Ngayong painit na nang painit ang panahon, hindi maiiwasan na may mga kalalakihin na maghuhubad na lang sa labas ng bahay, habang magso-short naman nang maigsi ang mga babae para mapreskuhan. Pero mayroon palang ordinansa ang Caloocan City laban dito.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Lunes, sinabing nakasaad na bawal ang walang damit pang-itaas at ang pagsusuot ng maiigsing shorts sa publiko sa ilalim ng City Ordinance 0439.
Nakasaad sa ordinansa na bibigyan ng warning sa unang paglabag, P500 sa ikalawang paglabag, at P1,000 multa at pagkakulong ng hindi hihigit sa dalawang araw sa ikatlong pagkakahuli.
Kung walang pambayad, magwawalis sa barangay ng dalawa hanggang apat na araw ang mga mahuhuling lalabag.
Napag-alaman na 2007 pa ang ordinansa pero, ayon sa ulat, tila hindi naman nasusunod.
Nitong Lunes ng hapon, nag-ikot ang GMA News at madami umanong nakatambay sa kalsada na kung hindi maigsi ang suot, ay walang suot na pang-itaas ang mga lalaki.
Ayon pa sa ulat, hati ang opinyon ng ilang taga-Caloocan na kapanayam.
Bagaman may mga tutol sa ordinansa, sang-ayon naman sila na huwag naman sanang sobrang maigsi ang shorts na isusuot.
"Natural din naman sa babae, ayos lang 'yon, millennials na ngayon. Eh kung gago ka talaga gagawan mo ng masama 'yung babae. Pero kung hindi, hindi. Nasa pag-uutak ng bawat isa 'yun," sabi ng isang residente.
Sinabi naman ng isang opisyal ng barangay, na matagal na nilang hinuhuli ang mga walang suot pang-itaas, pero hindi naman ang mga nakasuot nang maigsing shorts.
"Hindi naman po namin ipinagbabawal sa barangay namin 'yung naka-shorts lalo na kung mainit t'saka mas comfortable po kasi dito sa amin mga naka-shorts dahil mga busy," sabi ni Kagawad Beng Tabada ng Brgy. 132, na aminadong mas madali ring kumilos kung naka-shorts.
Ang grupong Gabriela, tutol sa ordinansa na mistula umanong victim blaming. —FRJ/KG, GMA News