Misteryo para sa ilang residente ang nakikitang bilog na liwanag na tila ilaw sa kalangitan ng Pulupandan sa Negros Occidental. Hinala nila, UFO o unidentified flying object ito pero iba ang paliwanag ng taga-PAGASA.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing lilitaw, gagalaw at maglalaho ang misteryosong ilaw na itinimbre ng isang residente sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," na madalas daw mamataan tuwing gabi.
"Ewan ko lang hindi ko talaga masabi, eh. Nakakapagtaka talaga yung movement niya at tsaka everyday ganun ang ginagawa niya," ayon sa nakakita sa liwanag na si Rob Santos.
Sabi naman ng isang videographer na si Maynard, may nakunan silang yellowish na liwanag at gumagalaw nang pa-sideward at pa-right side, at pagkatapos ay unti-unting nawawala.
May kuha rin si Maynard sa umano'y misteryosong ilaw na pahabang tila parang magkakadikit na ilaw.
Sabi naman ni Edwin Gatia, field investigator ng Center of UFO, na 1979 nang nagkaroon din umano UFO sightings sa Negros na tinawag nilang "nocturnal lights."
"Forty years ago there was a wave of sightings all over the Philippines and apparently the first sightings occurred in Negros. The sightings varied to one location to another, at merong mga light. at one point there was an incident na the witness himself saw the landing of three objects and may lumabas ding entities," sabi ni Gatia.
Nagsagawa rin ng pag-video at pagkuha ng larawan ang "KMJS" team at magkaiba rin ang rumistro sa lente.
Sa video camera, tila tuldok lang na ilaw pero parang pahaba naman ang ilaw sa litrato.
Ang mga taga-Pulupandan, hati ang pananaw kung UFO nga o hindi ang nakikitang liwanag sa kanilang lugar.
Pero paliwanag ng taga-PAGASA, hindi UFO ang nakikitang mga liwanag na nakunan sa magkakaibang panahon.
"Hindi rin siya isang eroplano, hindi rin siya isang bulalakaw, yun 'yong tinatawag nating ISS, isang satellite na napakaliwanag. Actually tinatawag itong the third brightest planet in the sky kapag ka madilim," ayon kay Jose Mendoza IV, astronomical publication unit chief, PAGASA.
Taong 1998 raw nang ini-launch sa orbit ang ISS, ang pinakamalaking istrakturang gawa ng tao sa low earth orbit. Kasalukuyan daw itong naglalakbay sa kalawakan para magasagawa ng samu't saring pag-aaral.
Isa pang bilog na liwanag na nakunan naman na kulay pula, ito raw ang planetang Mars.
Ang nakunang mga liwanag na hugis pahaba na tila dikit dikit na bilog, posibleng eroplano naman daw.
Paliwanag naman ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental hinggil sa UFO sightings umano noong 1979, lumitaw daw sa kanilang pag-iimbestiga na ang liwanag ay isang "red flares" o ilaw na pinapaputok ng mga mandaragat upang gamiting signal kapag may emergency. --FRJ, GMA News