Wala nang nagawa ang isang mandurukot sa bus kung hindi iabot at ibalik sa may-ari ang dinukot niyang cellphone nang tumunog ito matapos na ipa-ring ng pasahero na inakala niyang nasa loob lang kaniyang bag sa Makati City.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, ikinuwento ng biktimang si Allen Karl Casin, na tinawagan niya ang nawawala niyang cellphone at nalamang hawak pala ito ng isa sa limang mandurukot na kasama nila sa bus.
"Hinahanap ko po akala ko nasa bag ko lang. Tinawagan ko po nagri-ring tapos pinapatay. Inabot niya po sa 'kin nu'ng nilapitan niya na po. Tapos habang nagri-ring inabot pa nu'ng nagnakaw," sabi ni Casin.
Dahil dito, nagsumbong ang iba pang nabiktima sa bus driver at hiniling na huwag buksan ang pinto hangga't hindi nakakahinto sa lugar na may pulis.
Kaagad namang naaresto at hindi na raw nanlaban ang limang suspek.
Nabawi din sa kanila ang iba pang cellphone at gamit na nadukot ng mga suspek sa kanilang mga biktima.
"Itong mga mandurukot na ito, notoryus na ito eh. Pangatlong beses na silang nahuhuli sa Makati," sabi ni Sr. Supt. Rogelio Simon ng Makati City Police.
Samantala sa Mangaldan, Pangasinan, arestado rin ang isang lalaki na nanloob naman sa isang bahay.
Kinilala ang suspek na si Jhon Rhay Alcantara, na nahuli pa ang panloloob sa CCTV ng bahay.
Makikitang ang pag-akyat ni Alcantara sa compound at gumapang siya sa loob para hindi makita ng mga dumadaang motorista.
Ilang saglit ang nakalipas, sinira ng suspek ang pinto ng mismong bahay para makapasok at nakatangay ng P5,000 at ilang kagamitan.
Ngunit agad siyang naaresto at nabawi din ang mga ninakaw niya.
"Pang-junkshop ko po... Pang-inom, pangmerienda," pag-amin ni Alcantara.
Nalaman ng mga awtoridad na bukod sa ginawa niyang pagnanakaw, mayroon na rin siyang ibang nabiktima.
"'Ang suspek na yan, talagang notorious na sa barangay Tebag, ilang beses na naming nahuli 'yan tapos naming blotter sa kaniya na ang aktibidad na 'yan ay kagagawan niya," sabi ni Niel Biasura, barangay chairman, Tebag, Mangaldan, Pangasinan.--FRJ, GMA News