Sa halip na malamig na serbesa, malamig na rehas ang hawak ng isang lalaki matapos siyang ireklamo dahil sa pagtangay ng dalawang case ng beer sa isang tindahan sa Manaoag, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing base sa imbestigasyon ng pulisya, bumili ng ice water ang lasing na suspek na si Leonard Baltazar sa tindahan at saka tumambay.
Nang mapansin daw nito na abala ang may-ari ng tindahan, biglang pumasok sa loob ng tindahan ang suspek, kinuha ang dalawang case ng beer at saka sumibat.
Pero bago pa siya makalayo, hinabol na siya ng mga istambay sa lugar at nadakip.
Katwiran naman ni Baltazar, wala kasi siyang pera na pambili ng alak kaya niya nagawang tangayin ang mga beer.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa reklamo.-- FRJ, GMA News