Apat na taon nang sakit ng ulo ng isang pamilya sa Valenzuela City ang "brace" o kableng sumusuporta sa poste ng kuryente na nasa loob mismo ng kanilang bahay at katabi pa nila sa sala.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng may-ari ng bahay na si Cecilia Salamatin, na bago pa nila itayo ang kanilang bahay sa loob ng isang subdibisyon sa nabanggit na lungsod sa noong 2014, nakatayo na ang poste na sumakop sa kanilang lote.
At kahit naireklamo na nila noon pa man ang panghimasok ng kable sa kanilang lote, hindi raw ito nagawan ng paraan hanggang sa nakapagpagawa na sila ng bahay.
Maging ang homeowners association ay umapale na umano noo na alisin ang brace ng poste sa loob ng bahay dahil sa pangambang makaaksidente pero wala raw nangyari.
"Halimbawang tumutulo at umuulan diyan, e kung nag-' ground' ba siya, siyempre makuryente kami rito. Katulad niyan malapit yung mga kuntador dito," pangamba ni Salamatin.
Sabi naman ng pangulo ng homeowners association, malinaw sa kanilang subdivision plan na hindi dapat tamaan ng anumang poste ang mga lote, bagay na hindi nasunod sa sitwasyon ng lote ni Salamatin.
Sumulat na rin daw ang asosasyon sa Valenzuela business center at Meralco at sinabihan sila na may P205,000 na relocation fee para sa paglilipat ng pasilidad.
"Sobrang taas naman kung kami magbu-burden nun, e hindi naman namin ang may fault nun," sabi ni Louie Torres, presidente, homeowners association.
Ayon naman Valenzuela City mayor Rex Gatchalin, hindi raw ito ang unang pagkakataong may nakarating na ganitong reklamo sa lokal na pamahalaan.
"Dapat sinundan nila 'yan, road map 'yan e. Biruin mo 'yung poste nila na-locate sa bakuran ng isang tao, pagkakamali nila yun. Para lang matanggal mo yun, ikaw pa na na agrabyado na may ari ng property ang magbabayad?," puna ni Gatchalian.
Makikipag-ugnayan daw ang lokal na pamahalan sa Meralco para mailipat ang poste sa ligtas na lokasyon.
Samantala, sinabi naman ni Joe Zaldariaga, tagapagsalita ng Meralco, na hindi pa sila makakapagbigay ng opisyal na pahayag hanggang hindi pa nila naiinspeksyon ang lugar. -- FRJ, GMA News