Isang lalaki na nagpakilalang dating asawa ni Kris Aquino, at isang nagpakilalang dating boyfriend naman ni Mocha Uson, ang kabilang sa mga dumagsa sa Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes para maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC).

Plano nina Daniel Magtira at Anson "Agi" Tuana, na tumakbong senador sa darating na 2019 mid-term  elections.

Ayon kay Magtira, na nagsabing mahal pa rin niya si Kris, nais niyang tutukan ang pagpapalago sa music industry kapag nanalong senador.

“Sana naman, bigyan ako ng chance,” saad niya.

Nang tanungin kung may mensahe siya kay Kris, tugon ng 57-anyos na aspirante, “May iba na ‘yata siya [na asawa] eh. Kris, kung nanonood ka, iniibig pa rin kita.”

Samantala,  ang mapababa naman ang presyo ng produktong petrolyo at pagtulong sa mga mahihirap ang nais daw tutukan ni Tuana, na nagpakilalang naging kasintahan umano niya si dating Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson.

“Matagal na matagal na iyon. Nakilala ko siya na college girl. [Naghiwalay kami kasi] nag-artista na siya. Marami na siyang naging syota, boyfriend,” sabi niya..

Naghain din ng kandidatura sa pagkasenador si Emilio Delfin Tagean, na nagpakilalang Hari ng Maharlika.

Suot naman ang tarpaulin na nakasulat ang kaniyang mga adbokasiya nang maghain ng kandidatura si Carmelo Carreon.

Pero hindi tinanggap ng Comelec ang kaniyang kandidatura dahil maling form ang kaniyang ginamit kaya kailangan niyang magsumite muli sa official form ng ahensiya.

Kabilang din sa mga unang naghain ng kanilang COCs sina dating Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III, singer na si Freddie Aguilar, Women's rights advocate at Marawi civic-leader Samira Gutoc-Tomawis, dating Bayan Muna party-list Representative Neri Colmenares, at Cardiologist na si Dr. Willie Ong.

Ayon kay James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, sasalain nila ang mga aspirante para piliin ang mga "nuisance" at tunay na kandidato na kayang maglunsad ng kampanya bilang senador.

Posible umanong sa Disyembre malalaman kung sinu-sino ang mga kandidatong ilalagay sa balota.-- FRJ, GMA News