Kakaiba ang isang Math titser sa Cotabato dahil nagawa niyang exciting ang kaniyang subject sa pamamagitan ng mga hugot lines.
Sa ulat ng "Unang Balita," sinabing nag-e-enjoy ang mga estudyante sa kanilang Math teacher na si Roselyn Magbanua Mallo ng Santo Niño High School, South Cotabato.
Ang pagtuturo ni ma'am, na kilala sa kaniyang mga estudyante bilang si "Teacher Petit," ay puno ng hugot.
At pati sa kanilang test paper, panalo ang mga hugot at sa instructions pa lamang umano "nananampal na ng katotohanan."
Instructions ng test paper:
1. Write your answers clearly. As in malinaw. Hindi tulad ng feelings niya sa'yo.
Magulo na, malabo pa.
2. Do not cheat o huwag mangopya. Huwag tumulad sa ex mong akala mo loyal, manloloko pala.
3. Kailangang tapusin ang exam sa loob ng isang oras. Dapat daw alam mo kung kailan ka susuko.
Kapag tapos na, tapos na!
4. Matutong mapagod kapag sagad na sagad na. Maging tapat din sa pagsagot ng exam gaya ng ginawa mo kaya kayo nag-break. Pero ayos lang 'yan. Ang mahalaga, alam mong naging tapat ka.
5. Piliin lang ang best answer. Huwag daw magsayang ng oras at effort sa maling tao. Ang piliin mo, 'yung worth it.
Ayon sa ulat, may iba't ibang bahagi ang exam ng mga estudyante. May True or False.
Hugot naman ni ma'am sa bahagi ng exam na ito: Kailan nga ba nagiging mali ang magmahal? Ito 'yung kapag alam mong ayaw na niya pero sige ka pa rin.
Hindi rin umano nawawala ang problem-solving sa mga Math test. Pero, ayon kay ma'am, "Don't worry, lahat ng problema may solusyon. Kung minsan nga ang pinakamabisang solusyon ay acceptance. Oh ano? 'Yung totoo? Saan ka mas nahirapan sa exam? Sa math problems o sa pag-ungkat sa nakaraan mong pilit mong kinalilimutan?"
Hanggang dulo ng exam may hugot pa rin si ma'am: "Mahirap man daw sa umpisa, 'pag natutunan mong tanggapin ang mga bagay, Sa bandang huli, masasabi mo ring 'kaya ko naman pala.'"
Si Ma'am Petit ay limang taon umanong guro. At sa kolehiyo pa lang daw siya, sadyang hugutera na.
"Lumalabas lang 'yung mga hugot lines na 'yun na hindi ko naman alam. 'Yung iba hinugot ko sa totoong buhay na mga nangyari sa akin."
Aprub sa kanyang mga estudyante ang istilong ito ni Teacher Petit.
"Nakaka-inspire po siya tapos gaganahan ka pong sagutan 'yung test paper," pahayag ng isang estudyante.
Pero, students, huwag lang puro hugot, dapat may sagot! pahayag ni titser. —LBG, GMA News