Ayaw mo na ba sa mundo at gusto mo namang manirahan sa kalawakan? Bakit hindi mo subukang maging mamamayan ng tinatawag na "Asgardia"— ang itinatag na space nation na planong bumuo ng “space arks” na magiging tirahan sa kalawakan.
(Reuters photo)
Sa ulat ng Reuters, sinabing mula nang itatag ang Asgaria, 20 buwan na ang nakalilipas, mayroon na umano itong 200,000 mamamayan, sariling konstitusyon, mga inihalal na mambabatas, at lider na si Igor Ashurbeyli.
“This day will certainly be recorded in the annals of the greatest events in the history of humankind,” sabi ni Ashurbeyli sa kaniyang inaugural speech na dinaluhan ng mga kasapi na ginawa sa Hofburg, Vienna noong Lunes.
“We have thus established all branches of government. I can therefore declare with confidence that Asgardia – the first space nation of the united humankind – has been born,” dagdag ni Ashurbeyli, isang Russian engineer, computer scientist at businessman.
Plano umano ng Asgaria na magkaroon ng 150 milyong populasyon sa loob ng 10 taon at gagawa ng “space arks” na may artificial gravity na titirhan nila sa outer space.
Sa ngayon, mayroon na umano silang mga mamamayan na nagmula sa 200 bansa.
Nais ni Ashurbeyli na magkakaroon sila ng satellites para sa Internet access sa buong mundo sa loob ng lima hanggang pitong taon, magkaroon ng gumaganang space arks pagsapit ng 2028 o 2033, at makatira sa kalawakan o sa buwan 25 taon mula ngayon.
Maaari umanong magiging mamamayan ng Asgaria sa pamamagitan ng pagparehistro online.
Pero sabi ni Ashurbeyli, “Citizenship selection will continue. It might even involve IQ tests.”
Magkakaroon din umano ng annual membership fee ang mga Asgardian ng 100 euros o mahigit P6,000.
“For this early phase of Asgardian nationhood ... I am primarily responsible for its financing, along with a number of other donors who are citizens of Asgardia,” sabi ni Ashurbeyli. -- Reuters/FRJ, GMA News