Masakit ang ngipin pero walang dentista? Wala raw problema dahil sa Cavite at Masbate, mayroon umanong kayang manggamot ng sakit sa ngipin na gawa ng mga uod sa pamamagitan ng tinatawag na "panghihimutmot" o "panghihimutbot." Pero totoo nga ba ito?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakita ang video ng isang lalaki na nakatutok ang taenga sa dulo ng isang tila tubo. Ang kabilang dulo naman nito, nakakabit sa bao na nakalagay sa plangganang may tubig.
At sa loob ng bao, nandoon naman ang pinausukang talampunay at ang usok nito ay sinasabing pumapasok sa loob ng taenga. At dahil sa usok, lumalabas umano ang uod sa nagpapasakit ng ngipin at mahuhulog sa tubig.
Ayon sa mga masakit ang ngipin na sumailalim sa naturang proseso ng panghihimutmot, guminhawa at gumaling ang kanilang ngipin.
Pero totoo nga kayang uod ang pinaniniwalaang lumabas mula sa taenga ng mga pasyente? Nakagagaling nga ba talaga ang kakaibang paraan ng panggagamot na panghihimutmot? Panoorin ang ginawang pagtutok na ito ng "KMJS:"
Click here for more GMA Public Affairs video:
--FRJ, GMA News