Patok ngayon sa Bangar, La Union ang kakaibang disenyo ng mga ginagawang side car ng tricycle sa mala-kotse ang disenyo, na ang ibang nagpapagawa ay mula pa rin sa Metro Manila.
Ang tinatawag na "kotse-kel," may sari-sari ang kulay at estilong pagpipilian at puwede pang magpa-customize," ayon sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Linggo.
Ang gumagawa ng mga kotse-kel na si Marc Alvin De Guzman, sinabing may mga nagpapagawa na may pinagkokopyahang disenyo.
"Depende kasi sa mga nagpapagawa kung meron silang ipapagaya. Kadalasan po sa mga internet nagpe-print kami ng mga kotse ginagaya po nila yung harap ng mga kotse" aniya.
Ang shop umano ni De Guzman ay isa sa anim na pagawaan ng kotse-kel sa barangay Nagsibaran na dinarayo umano ng mga kliyente, na ang iba ay galing pa raw sa Metro Manila.
Mano-mano lang at maingat ang pagporma at pagpintura sa katawan ng bawat kotse-kel. At isa raw sa kaniyang paborito ang ginawa nila na mayroong aircon para hindi mainit sa loob.
Ang mga kotse-kel, isa na namang patunay ng pagiging malikhain ng mga Pinoy. -- FRJ, GMA News