May kakaibang estilo ang isang estudyante sa Pangasinan sa paggawa ng kaniyang mga obra o artwork. Sa halip na karaniwang pagpipinta, mga itinapong tinik ng isda ang kaniyang ginagamit.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing ilang obra na ang nagawa ni Jessica Lopez, residente ng Binmaley, Pangasinan, gamit ang mga tinik bilang pangunahing elemento sa kaniyang nilikhang sining.
Nadiskubre daw ni Jessica na magandang gawing artwork ang tinik ng isda nang lumahok siya sa isang art workshop sa Ifugao noong 2014.
Gayunman, mahaba-haba umano ang proseso sa fishbone art dahil ang mga nakukuha niyang tinik ay kailangang pakuluan, linisan, ibilad sa araw, at saka ibababad sa bleach at muling patutuyuin.
"Tiyaga lang din po," aniya. "Sa pagdikit po sa canvass, hindi rin po siya ganun kadali kasi aabutin po talaga ng maraming araw para madikit po yung bawat tinik."
Mayroon nang sampung obrang nagawa si Jessica, at ang isang malaking obra na kaniyang nagawa ay inabot umano ng isang taon bago natapos.
"Parang sacrifice lang din po kasi nag-aaral po and then gagawa ng tinik. Parang kailangan mong i-pursue yung passion mo kahit nag-aaral po," paliwanag niya.
Todo-suporta naman kay Jessica ang kaniyang ama na naghahanap din ng pagkukunan ng tinik ng isda na nakararating sa Dagupan kung saan may mga nagpoproseso ng boneless na isda.
"Kukuha ako ng tinik tapos pagdating dito, lilinisan," anang supportive na ama.
Ang mga obra ni Jessica na nabuo lang bilang libangan, posible na rin niyang pagkakitaan. -- FRJ/KVD, GMA News