Nakunan sa surveillance camera ng isang tindahan sa Batangas City ang kakaibang taktika ng isang lalaki na gumamit ng modus na "palit-pera" nang bumili siya ng peanut butter.

Hindi gaya ng mga dating naiulat na insidente ng palit-pera modus na kadalasang nangyayari ang modus sa pagkuha ng sukli, ang taktika ng lalaki, nangyari nang magbayad sa kaniyang binili.

Sa video footage na ipinalabas sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita ang salarin na lumapit sa tindahan na nakasuot pa ng helmet.

Nagbayad ang lalaki ng P1,000.00 para sa peanut butter na kaniyang bibilhin.

Nang makuha ang sukli at peanut butter, umalis na ang lalaki.

Pero hindi nagtagal, bumalik ang lalaki sa tindahan at ibinalik ang kaniyang binili, at pati na ang isinukli sa kaniya ng tindera.

Dahil dito, ibinalik naman ng tindera ang ibinayad ng lalaki na P1,000.00.

Mabilis na ibinulsa ng lalaki ang P1,000.00 at dumukot ng P100.00, at sinabi sa tindera na bibilhin na uli niya ang peanut butter.

Hindi na napansin ng tindera na P100.00 na lang ang perang ibinigay sa kaniya ng lalaki kaya muli niya itong sinuklian sa pag-aakalang P1,000.00 pa rin ang iniabot sa kaniya.

Umalis kaagad ang lalaki na tangay ang peanut butter at ang nakulimbat na sukli.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki. -- FRJ, GMA News