May kakaibang organic beer ang ginawa ng isang craft brewery sa Copenhagen sa Denmark.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing kasama sa gamit sa paggawa ng serbesa ang ihi ng tao.
Pero hindi naman ihahalo ang ihi sa paggawa ng serbesa kung hindi ginagamit lang na fertilizer sa "malting barley," ang pangunahing sangkap ng beer.
Naisip umano ito ng beer company matapos na magdesisyon silang gawing organic ang mga sangkap sa paglikha ng produkto sa halip na dumi ng hayop o abono na nabibili sa mga kompanya.
Sa katatapos na tinaguriang largest music festival sa Northern Europe, nakaipon sila ng 50,000 litro ng ihi.
"When the news that we had started brewing the Pisner came out, a lot of people thought we were filtering the urine to put it directly in the beer and we had a good laugh about that," saad sa ulat ng Reuters ni Henrik Vang, chief executive of brewer. -- FRJ, GMA News
