Hindi lang pala sa ilog sa Calumpit, Bulacan mayroong baby sharks na nahuhuli. Ang isang mangingisda sa Hagonoy, nakalambat din ng juvenile bull sharks sa ilog -- hindi lang isa kung hindi tatlo pa.
Sa isang episode ng "Dami Mong Alam, Kuya Kim," sinabi ng mangingisdang si Rex Arceo, na nitong nakaraang Pebrero lang nila nalambat ang mga baby shark sa bahagi ng ilog na Lagyo.
Hindi raw niya inasahan na may makikita silang mga pating sa lambat dahil nasa ilog lang naman sila at wala sa dagat.
Mga hipon, alimango, at kaunting sugpo raw ang inaasahan nilang malalambat nang araw na iyon.
Kaya laking gulat nila nang makita makita sila na mga pating sa lambat.
Nang tanungin kung ano ang ginawa niya sa mga pating, sabi ni Arceo, na pinakawalan niya ang mga ito pero hindi siya sigurado kung nabuhay pa dahil mahina na umano ang mga ito.
Batid daw ni Arceo na bawal ang magtinda ng pating.
Idinagdag ni Arceo na malapit sa dagat ang ilog kung saan nila nahuli ang mga baby shark.
Ayon kay Dr. Romulo Bernardo, animal expert, bull sharks ang nalambat na tatlong pating ni Arceo.
Madalas daw na nakikita ang mga bull shark sa mababaw na bahagi ng ilog dahil doon karaniwang nanganganak ang mga mother bull shark.
Iniiwan din umano ng inang pating ang kanilang mga baby sharks sa ilog dahil mas kaunti ang predator doon o uri ng isda na maaaring makapanakit sa kaniyang mga anak.
Kamakailan lang, itinampok sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang kuwento ng mangingisdang si Roldan de Jesus, na nakahuli naman ng isa ring baby na bull sharks na nalambat niya sa Angat river sa bahagi ng Calumpit sa Bulacan din.
Ayon kay de Jesus, buhay ang pating nang mahuli niya pero may kahinaan na.
Iniuwi niya ang baby shark pero pinuntahan at kinuha ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang maipasuri.
Ang isang adult bull shark, kayang lumaki ng 11 talampakan, at kilala itong agresibo.
Pero hindi umano dapat saktan o patayin ang mga bull shark na mahuhuli dahil kasama ito sa listahan ng mga pating protected species o threatened species.
Bagaman unang pagkakataon ito sa Calumpit na may nahuling pating sa ilog, hindi naman para sa bansa.
May mga bull shark umanong nabuhay noon sa lawa ng Taal, at huli silang nakita sa lawa noong 1930s.
Samantala, may nahuli ring bull shark sa isang ilog sa Kumalarang, Zamboanga del Sur noong 2019.
Habang noong 2020, may nalambat din na bull shark sa isang ilog sa Apalit sa Pampanga. -- FRJ, GMA Integrated