Kilala ang Barangay LS 97.1 radio DJ na si Papa JT, o Jeck Lubrin, na nagbabahagi ng kuwento ng buhay ng kaniyang mga tagapakinig. Pero ilang buwan pa lang ang nakalilipas, natuklasan niya na ang kaniya palang buhay, may isa ring napakalaking twist.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sa halos apat na dekada ng buhay ni JT, ang kaniyang nanay Edna at tatay Eddie ang kaniyang nakagisnang mga magulang.
Sa limang magkakapatid, si JT ang nagsilbing bunso sa pamilya, kasama ang kaniyang ate Bakuz, o si Helen.
Sa Paco, Maynila lumaki si JT. Ayon sa kaniya, mahirap ang buhay nila noon na foreman sa construction ang trabaho ng kaniyang amang si Eddie.
Ang kaniyang nanay Edna naman, napilitang magtrabaho noon bilang domestic helper sa Hong Kong.
Kaya naman naiwan silang magkakapatid sa poder ng kanilang ama.
Pero noong 10-taong-gulang si JT, may pakiwari na raw siya na ampon lang siya. Gayunman, binalewala niya ito dahil ang mahalaga ay mayroong siyang mga magulang.
Hanggang sa pumanaw ang kaniyang tatay Eddie noong 2019, at naging madalas ang pag-aaway ng kaniyang nanay Edna na umuwi na noon sa Pilipinas, at ang kaniyang ate na si Bakuz.
At noong nakaraang Disyembre lang, muling nagkaroon ng bangayan sina nanay Edna at at Bakuz, na nauwi sa sumbatan tungkol sa "pagsasakripisyo."
Ayon kay JT, pinapalayas ng kaniyang nanay Edna ang kaniyang ate Bakuz dahil umano sa pagiging bastos at walang galang.
Ang ate Bakuz naman niya, nanumbat na siya ang nag-alaga sa kaniyang mga kapatid dahil iniwan sila nito noong mga bata pa sila.
"Ngayon naman, yung nanay ko sumagot, 'Ah, sakripisyo. Sasabihin ko sa'yo kung sino ang nagsakripisyo," kuwento ni JT.
At doon na lumabas ang rebelasyon tungkol sa kaniyang pagkatao nang sabihin ng kaniyang nanay Edna na, "'Jeck! Gusto mong malaman kung sinong totoong nanay mo!? Iyang ate [Bakuz] mo ang totoong nanay mo!"
Ayon kay Bakuz, dayuhan ang ama ni JT pero hindi niya iyon ipinaalam at hindi na rin napanagutan. Sa kabila ng nangyari, nagpasya ang kaniyang ama na si Eddie na ituloy ang kaniyang ipinagbubuntis.
Kaya nang isilang niya si JT, sina nanay Edna at tatay Eddie na ang tumayong mga magulang niya.
Naniniwala si Bakuz, na ang nangyari noong Disyembre ay paraan na rin ng Diyos para malaman ni JT ang tungkol sa totoong pagkatao niya.
Nang malaman ni JT ang katotohanan, tila nagkaroon naman daw ng pagbabago ang pagtingin sa kaniya ng kaniyang ate Bakuz.
Pero ang bilin ni nanay Edna kay JT, ibigay nito sa kaniyang ate Bakuz ang katulad na pagmamahal na inukol sa kaniya bilang ina.
"Kung ano man yung labis na pagmamahal mo sa akin, ganoon din ang gawin mo sa ate mo. Kasi ikaw ay nanggaling sa kaniya," sabi ni nanay Edna kay JT.
Si JT, natutuwa naman na nakilala niya ang tunay niyang ina dahil kokompleto iyon sa mga piraso ng kaniyang buhay at bubuo sa kaniyang pagkatao.
Kung nakilala ni JT ang kaniyang tunay na ina, totoo naman kaya na ang sikat noon na French mime artist na si Marcel Marceau ang tunay niyang ama? Panoorin ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News