Matapos ma-evict sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," sinabi ng Kapuso actress na si Ashley Ortega na "life changing" ang naging karanasan niya sa Bahay ni Kuya. Sabik na rin siyang makita ang kaniyang ina.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ni Ashley na kailangan pa niyang iproseso ang lahat matapos siyang matanggal sa PBB kasama AC Bonifacio.
BASAHIN: Ashley at AC, unang evictees sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Ayon kay Ashley, hindi pa nagsi-sink-in sa kaniya ang lahat dahil nabigla siya at medyo nalungkot sa mga pangyayari. Gayunman, kailangan niya raw tanggapan na game ang lahat.
Subalit hindi raw malilimutan ng aktres ang mga karanasan niya sa Bahay ni Kuya kasama ang ibang housemates.
Kailangan pa raw niyang iproseso ang mga nangyari sa halo-halong emosyon na naramdaman sa Bahay ni Kuya sa loob ng tatlong linggo.
"Sa tagal ko sa industriya, first time ko lang talaga naging vulnerable nang ganun sa harap ng maraming tao," saad niya.
"Medyo feel ko I'm a changed person, hindi ko alam," natatawa niyang pahayag na sinabi ring sobrang life changing ang nangyari sa kaniya sa PBB.
"Medyo hindi pa rin nakaka-sink-in lahat ng nangyari. Natatakot din ako alamin kung ano ang nangyayari sa outside world. Pero siyempre ang I'm grateful and happy," sabi pa niya.
Ang isa sa mga ipinagpapasalamat niya na nangyari sa PBB ay ang nabigyan sila muli ng komunikasyon ng kaniyang ina na tatlo taon na niyang hindi nakakausap matapos ang kanilang hidwaan.
Bago lumabas ng bahay ni Kuya, nakatanggap siya ng sulat mula sa kaniyang ina.
"Matagal na kitang pinatawad. Matagal na rin akong nag-aantay sa ‘yo. Tandaan mo, mahal na mahal kita, kayong mga anak ko. Ginagawa ko lahat para sa inyo kaya ganiyan ako ka-strict at maalaga. Mag-ingat ka at magdasal ka parati,” saad sa sulat ng ina ni Ashley.
Sinabi rin ni Ashley na natutuwa siyang malaman na pinapanood siya ng kaniyang ina.
“Sana po talaga Kuya, paglabas ko dito, magkita po kami. Pero nagpapasalamat ako na hindi na siya galit sa ‘kin,” ai Ashley bago lumabas ng PBB.
Una rito, emosyonal na inihayag ni Ashley sa PBB ang naging hidwaan nila ng kaniyang ina.
BASAHIN: Ashley Ortega, umaasang mapapatawad siya ng kaniyang ina: 'I know I caused you so much pain'
Kung may ikinatutuwa man si Ashley na natanggal na siya sa PBB, ito ay ang makikita na niyang muli ang mga mahal niya sa buhay, lalo na ang kaniyang ina.
Nagpasalamat din si Ashley sa lahat ng mga sumusuporta sa kaniya. Hinikayat niya ang mga ito na patuloy na subaybayan ang PBB.-- FRJ, GMA Integrated News