Inilahad ni Ryza Cenon na bukas ang kaniyang "third eye" kaya nakakakita at nakakaramdam siya ng mga kakaibang nilalang. Pati ang isang painting na ginawa niya, may "pumasok" umano na nagbibigay ng kilabot sa mga nakakakita.

"After ko po siyang matapos, medyo mabigat po 'yung feeling ko roon sa painting ko na 'yon," kuwento ni Ryza sa press conference ng horror movie na "Lilim," na mapapanood sa video ng Kapuso Showbiz.

"Kasi hindi po maganda 'yung every time dinadaanan ko 'yung painting na 'yon, tumataas po 'yung [balahibo], iba po 'yung feeling ko talaga, as in," patuloy ni Ryza

Maging ang ibang tao na napapadaan at nakakakita sa naturang painting, may nararamdaman ding kakaiba at mabigat sa pakiramdam.

"So sabi ko, may something dito, may pumasok dito, tinapon ko na lang po siya," pagpapatuloy ng aktres.

Ayon kay Ryza, nabuo niya sa kaniyang isip ang naturang painting.

Sinabi ni Ryza na normal na sa kaniya ang nakakakita o nakararamdam ng mga kakaibang nilalang kahit sa set o kung saan sila nagtatrabaho.

"Actually may third eye ako. So 'pag nakakakita or nakararamdam ako sa locations namin, may times na dini-deadma ko na lang po or kinakausap ko sila na 'Sorry po, pasensiya na, nabubulabog na rin kayo,' or something na nagtatabi-tabi po ako," paglalahad niya.

"For me kasi it's normal na may nararamdaman ako or nakikita ako na something," dagdag ni Ryza.

Napanonood na ang pelikulang "Lilim" sa mga sinehan.-- FRJ, GMA Integrated News