Buong akala ng isang dalagang criminology student na mag-isa lang siyang magmamartsa sa kaniyang donning ceremony dahil nasa ibang bansa ang kaniyang ina na isang OFW. Ngunit ang hindi niya alam, umuwi ito at nasa likuran niya lang para sorpresahin siya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video ang graduating criminology student na si Maria Sophia Sevilla habang naghahanda na sa pag-akyat sa entablado. Wala siyang kamalay-malay na nasa likuran niya ang ina na si Janice Palma.
At nang aakyat na sa entablado si Sophia, nagulat siya nang sumabay na sa kaniya ang kaniyang ina.
"Best friends" daw ang turingan ng mag-inang Janice at Sophia.
"Hindi kami nawawalan ng communication. Halos everyday, parang magkaibigan lang, chika-chika, ganu'n," sabi ni Janice.
Kahit na sa ibang bansa nagtatrabaho si Janice, lagi silang on-call sa isa't isa ng kaniyang anak.
Ngunit nasubukan ang kanilang mother and daughter tandem matapos ianunsyo ng paaralan ang petsa ng donning ceremony ni Sophia.
Nailaan din ni Mommy Janice sa ibang pangangailangan ni Sophia ang kaniyang naipon.
Sa kabila nito, gumawa ng paraan si Janice at nilakasan ang loob para makauwi. Kinuntsaba pa niya ang propesor ni Sophia para sorpresahin ang anak.
"Doon ako nag-reach out sa isang professor from her school. Sabi ko gusto ko siyang i-surprise. Siya 'yung nagbigay ng details talaga kung kailan, anong oras. Siya pa nga ang nagbigay ng idea kung kailan ako papasok," kuwento ni Janice.
Kaya sa mismong araw ng seremonya, hindi alam ng dalaga na nasa likuran na pala niya ang kaniyang ina.
Nang tawagin na si Sophia upang umakyat sa entablado, dito na nagpakita sa kaniya ang inang si Janice.
Tagumpay naman ang plano ni Janice dahil makikita ang pagkagulat ng kaniyang anak nang makita siya.
"I wasn't expecting talaga na si mama 'yung nasa likod. May behind the scene po kasi 'yung video na 'yun, nasa likod ko na siya. Wala po talaga akong alam na umuwi na siya," sabi ni Sophia.
Hindi naman napigilan ni Janice na maging emosyonal din sa reunion nila ng anak.
"Umiyak na lang talaga ako. Dapat nga po sa stage magsasalita sa parents. Hindi ko na nagawa kasi iyak na lang ako nang iyak," saad ng ginang.
"Thankful ako kasi siya 'yung mama ko. Sinusuportahan niya ako sa lahat ng gusto ko," sabi ni Sophia.
"Sana 'yung sakripisyo, 'yung pagtitiis ng magulang niyo na nasa malayo para mapag-aral kayo, sana suklian natin ng pag-aaral nang mabuti. Tsaka kailangang magtapos talaga kasi 'yun lang ang maipapamana namin sa inyo na hinding hindi makukuha," mensahe ni Janice sa mga mag-aaral na nasa malayong lugar ding ang magulang. -- FRJ, GMA Integrated News