Nasa mahigit 2,000 kilo ng kamatis ang itinapon na lang sa gilid ng kalsada sa Bamban, Nueva Vizcaya dahil sa sobrang baba ng presyo nito.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video habang pinapala ng trabahador ang napakaraming kamatis sa truck para itapon sa gilid ng kalsada.

Itinapon na lang ang mga kamatis dahil hindi maibenta ng mga magsasaka ang kanilang produkto dahil sa sobrang mababang presyo na P5 bawat kilo.

Sa naturang presyo, sobrang lugi umano ang mga magsasaka kumpara sa ibabayad pa sa transportasyon at mga trabahador.

Sa bayan naman ng Bayombong, ikinadismaya rin ng mga magsasaka ang bilihan sa kamatis na P8 ang  wholesale price.

Ang ibang magsasaka, itinigil na ang pag-ani ng kamatis para makaiwas sa dagdag na gastos.

Sa latest price monitoring sa ilang palengke sa Metro Manila mula sa Department of Agriculture, nasa P25 hanggang P65 per kilo ang presyo ng kamatis.

Labis na mababa umano ang presyo ng kamatis dahil sa sobrang dami ng ani o over supply.

BASAHIN: Mga magtatanim ng kamatis at sibuyas, umaaray sa lugi dahil sa sobrang supply at importation

--FRJ, GMA Integrated News