Humantong sa disgrasya ang kaharutan ng isang aso sa Memphis, Tennessee nang aksidente niyang makalabit ang gatilyo ng isang baril na dahilan para pumutok at tamaan ang natutulog niyang amo.

Ayon sa pulisya, nasa kama at natutulog ang among lalaki noong umaga ng Lunes-- habang katabi ang nobya nito-- nang tumalon papunta sa kama ang asong si "Oreo," na isang pit bull na isang-taong-gulang.
 
Nagkataon na naapakan at sumabit ang kuko ng aso sa gatilyo ng baril na dahilan para pumutok at tinamaan sa hita ang kaniyang amo pero ligtas namang dinala sa ospital.

Hindi binanggit sa police report kung anong uri ng baril ang pumutok, at itinuring "accidental injury" ang tinamo ng amo dahil sa insidente.

Sinabi ng nobya ng biktima sa panayam sa local news station na Fox 13 Memphis, na natutulog din siya nang pumutok ang baril.

"The dog is a playful dog, and he likes to jump around and stuff like that, and it just went off," saad niya.

Bagaman laganap ang karahasan sa US na may kinalaman ang baril, bihira namang mangyari na may hayop na sangkot dito.

Dalawang taon na ang nakalilipas nang aksidenteng mabaril ng isang aso na German shepherd ang isang 30-anyos na lalaki nang maapakan nito ang isang hunting rifle.

Noong 2018, isang 51-anyos na lalaki naman sa Iowa ang nabaril din sa binti ng kaniyang aso na pit bull-Labrador mix.

Ang leksyon sa insidente: "Tiyaking naka-safety o gumamit ng trigger lock sa baril." --mula sa ulat ng  Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News