Nataranta ang mga tao sa isang mall sa Pagadian City nang may sumigaw na may batang nahulog mula sa ikatlong palapag. Ang bata, himalang nabuhay at walang masyadong tinamong pinsala sa katawan kahit bumagsak pa siya sa estante na may mga paninda at nabasag ang salamin. Paano nga ba nangyari ang insidente na muntik nang mauwi sa malagim na trahediya? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video footage sa loob ng mall na nahuli-cam ang pagkahulog ng tatlong-taong-gulang na bata na naglalaro pala noon sa gilid ng escalator.
Bago ang insidente, kasama ng bata ang kaniyang ina na pumasok sa isang gadget store sa nasa ikatlong palapag upang bumili ng laptop na gagamitin ng anak sa pag-aaral.
Habang nakikipag-usap ang ginang sa tauhan ng tindahan, hindi niya namalayan na lumabas ng shop ang bata at naglaro.
Ilang saglit lang, pumasok muli ang bata sa shop, at nagpaalam naman ang ginang sa kaniyang kausap na babalikan na lang nila ang laptop.
At pagkaraan ng ilang minuto, binalikan na nga ng ginang ang laptop sa shop, habang ang bata, lumabas muli at naglaro sa gilid ng pababang escalator at doon na nangyari ang hindi inaasahan.
Ayon sa saleslady na si Erlinda, sa estante ng kaniyang mga paninda bumagsak ang bata. Dahil sa labis na pagkagulat, hindi raw siya nakagalaw.
Nabasag umano ang salamin sa mga estante na tinamaan ng bata.
Ang buntis na saleslady na si Rachelle ang bumuhat sa bata at itinakbo palabas ng mall para madala sa ospital.
Ayon sa saleslady, may malay ang bata nang buhatin niya at sinasabihan niya na huwag pipikit o matutulog.
Sa kabila ng taas at mga bagay na binagsakan ng bata, himala siyang nakaligtas at walang malubhang pinsala sa katawan na tinamo.
Ayon kay Dra. Debbylene Tan-Ildefonso, Pagadian City Health Officer, na walang tinamong malubhang sugat ang bata bagaman nagtamo ito ng galos sa kaliwang pisngi.
Hindi siya nabalian ng buto at maayos din ang resulta ng mga isinagawang CT scan at mga X-ray.
Dahil sa insidente, ang pamunuan ng mall, maglalagay ng karagdagang harang sa escalator upang hindi na maulit ang insidente. Panoorin ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News