Nagbigay ng mensahe para sa mga Pilipino si dating Pangulong Rodrigo Duterte bago lumapag sa Rotterdam The Hague airport sa Netherlands ang sinasakyang eroplano upang dalhin siya sa International Criminal Court (ICC) at doon idetine habang dinidinig ang paratang laban sa kaniya na crime against humanity.
TINGNAN: Ang ICC detention center na pagdadalhan kay ex-Pres. Rodrigo Duterte sa The Hague
Sa video message na naka-post sa Rody Duterte Facebook page, inaasahan ng dating pangulo na mahabang legal proceeding ang kaniyang kakaharapin.
"To my countrymen, just to give you the current situation, I am about to land in The Hague. Galing ako Dubai, stopover... It's a long haul, it's a long flight. OK ako. Do not worry," sabi niya.
BASAHIN: Sen. Bato, naglabas ng pahayag matapos dakpin si ex-Pres. Duterte: 'I am ready to join the old man'
Inaresto si Duterte nitong Martes sa bisa ng warrant of arrest mula sa ICC dahil sa naging kampanya niya laban sa ilegal na droga na hindi bababa sa 6,000 tao ang nasawi.
"And I think this has something to do with the law and order noon, at sinasabi ko naman sa mga pulis, military na trabaho kayo at ako ang managot. So ito na nga," ani Duterte.
"For all of the whatever happened in the past, ako na 'yung nag-front sa ating law enforcement, pati military. Sinabi ko na, I will protect you and I will, ako ang managot sa lahat," dagdag niya.
"This will be a long legal proceeding but I say to you I will continue to serve my country at so be it, kung ganoon ang destiny ko. Salamat," sabi pa ni Duterte.
–FRJ, GMA Integrated News