Sa tamang diet o nais magbawas ng timbang, hindi lamang ang dami ng kinakain ang dapat na binabantayan, kung hindi pati ang oras ng kain. Ang isang eksperto, sinabing hindi na dapat kumain apat na oras bago matulog. Alamin kung bakit.

Sa programang "Unang Hirit' nitong Biyernes, ibinahagi ng content creator na si Keneth Semera, 31-anyos, may tangkad na 5'5, at timbang na 200 kilograms o higit 440 pounds, na nagsimula ang pagbigat ng kaniyang timbang noong pandemic.

Kargador noon ng mga bagahe sa isang bus terminal sa Pasay City si Semera nang dumating ang pandemya, kaya araw-araw lamang siyang nasa bahay at mas lalong bumigat ang kaniyang timbang.

Ngayon, isa nang rider ng ride-hailing app si Semera, na may body goals na magbawas ng pagkain.

Ipinaliwanag ng general internist na si Dr. Oyie Balburias na hindi lamang importante ang dami, kundi pati ang kalidad at komposisyon ng kinakain.

Bukod dito, importante rin na bantayan ang oras kung kailan kumakain.

"Tulad ng nakapagkwentuhan natin kanina, sabi mo, mahili ka doon sa late night eating. 'Yung ganiyang klase ng habit ng pagkain, ang paraan talaga para ikaw ay mag-gain ng timbang," paalala ni Dr. Oyie kay Semera.

Ayon kay Dr. Oyie, trabaho ng katawan na gawing enerhiya ang pagkain. Ngunit kung matutulog na ang isang tao at hindi na siya gagalaw at kikilos, itatago lamang ng katawan ang kinain bilang taba.

"Ang ating katawan ay may orasan o tinatawag namin 'yung biological clock. So, importanteng kumain lamang tayo sa oras ng 9 a.m. hanggang alas 6 p.m. So, dapat merong interval or pagitan ng at least apat na oras mula sa huling pagkain mo hanggang sa oras ng pagtulog mo," sabi niya.

"Kasi merong oras na kakailanganin ang katawan natin para i-proseso lahat ng kinain mo at i-convert into energy. Kaya nga sabi nila, eat like a king sa umaga and then eat like a pauper sa gabi," sabi pa ni Dr. Oyie.

Samantala, muling pinaalala ni Dr. Oyie na tatlo ang pinanggagalingan ng enerhiya – carbohydrates, fats at protein. Kaya dapat siguruhing mayroon nitong balanseng komposisyon sa plato.

"Kaya nga ang mga Hapones, makikita niyo, hindi lang timbang ang maayos sa kanila, kundi mahaba rin ang kanilang buhay. Kasi meron silang tinatawag sa bawat plato, 'yung tinatawag nating diversity and variety of sources. Sa isang meal na kakainin nila, average pinag-aralan, meron mga about 12 to 17 sources of pagkain. So, variety, diversity, at kulay po ng pagkain ay mahalaga," sabi niya.

Dagdag ni Dr. Oyie, maaaring huwag nang pansinin ang calories, kundi itrato ang pagkain bilang isang art o painting na makulay.

Payo ni Dr. Oyie kay Semera kapag hindi mapigilan ang gutom, maaari niyang subukan ang bone broth o mineral broth o sabaw galing sa mga gulay.

Panoorin sa video ang buong talakayan tungkol sa tamang pagkain. -- FRJ, GMA Integrated News