Inakala ng isang nag-aalaga ng baboy sa Caraga, Davao Oriental na ninakaw ang kaniyang hayop at nag-iwan pa ng sako ang kawatan. Pero nang masdan niya ang inakalang sako, isa palang malaking sawa na malaki ang tiyan.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing inabutan ni Ferdinand Burgos ang sawa sa loob mismo ng kulungan ng nag-iisa niyang alagang baboy.

"Nagulat lang ako na 'yung baboy, kinain na. Malungkot, sir, kasi wala na akong pakainin," saad ni Burgos.

Dati na palang may nawawalang mga alagang hayop sa lugar na karaniwang inaatake ay mga manok ngunit nakakalusot ang sawa.

Ngunit sa pagkakataong ito na baboy ang kaniyang tinira, sa laki ng kaniyang kinain, hindi na nagawang makaalis ng kulungan ang sawa kaya nahuli siya.

Kaagad din tumawag sa Department of Environment and Natural Resources Office sa Caraga sina Burgos para ipakuha ang sawa.

Umaasa pa si Burgos na baka masagip ang kaniyang alaga pero hindi na.

Gayunman, pinangakuan umano si Burgos na may darating sa kaniyang baboy ng kapalit ng kaniyang alaga na kinain ng sawa.

Ayon kay Kuya Kim, reticulated python ang kumain sa alaga ni Burgos.

"Ika-cut off nila 'yung blood circulation [ng victim] and then, kapag namatay na siya or nanghina na siya, lulunukin na lang ito," paliwanag ng herpetologist na si Jazz Ong tungkol sa kung papaano kinakain ng sawa ang kanilang biktima.

Nagagawa ng mga sawa na lunukin ang kanilang pagkain kahit na malaki sa pamamagitan ng elastic tissues sa pagitan ng between their cranium at lower jaw.

"That enables them to stretch their mouths to consume prey that's much larger than their heads," sabi pa ni Ong. —FRJ, GMA Integrated News