Isang 50-anyos na lalaki sa Davao City ang nasugatan matapos umanong ipagmalaki sa kainuman na hindi siya tinatablan ng bala. Ang suspek, kumuha ng airgun at binaril siya.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nag-iinuman umano ang dalawa nang mangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Mandug Police Station Chief, Major Rejie Torrita, na lumitaw na ang biktima mismo ang naghamon umano na barilin siya ng suspek dahil hindi naman siya tatablan ng bala.
Kumuha naman ng airgun rifle ang suspek at binaril sa tuhod ang biktima na kailangan ngayong operahan dahil sa tinamong tama ng bala.
Sumuko ang suspek matapos ang insidente at ipinaliwanag na ginagamit niyang pamaril sa ibon ang airgun na pellet ang bala.
Mahaharap sa reklamong frustrated homicide, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) at election gun ban ang suspek. --FRJ, GMA Integrated news