Napaisip ang CNN International reporter na si Richard Quest kung papaano gumagana ang "spaghetti" wires na nakita niyang nakalambitin sa mga poste sa Metro Manila.

Sa Instagram, nag-post si Richard ng video habang nasa kalye ng Mandaluyong City.

"Every time I see this, I just wonder how on earth does this work?" saad ng mamamahayag habang nakaturo sa itaas.

"But since the lights stay on and the internet's working, this all must make sense to somebody," dagdag niya.

Habang ipinapakita ang sala-salabat na mga kable, inilarawan ito ni Richard na "like one big bowl of spaghetti."

Napatanong din ang dayuhan kung papaano nahahanap ang tamang linya ng kable.

"Quite extraordinary how it all works. But it works!" sabi pa niya.

 

 

Nasa Pilipinas si Richard, anchor ng programang "Quest Means Business," para mag-shoot ng documentary sa Masungi Georeserve sa Rizal.

Noong nakaraang taon, naghain ng panukalang batas si Bulacan Representative Salvador Pleyto Sr. para linisin ang mga kalsada mula sa mga sala-salabat na kable na pinagmumulan ng disgrasya.

Nitong nakaraang Enero, ibinida ng lokal na pamahalaan na malinis na sa 'spaghetti' wires ang sikat na Calle Real sa Iloilo City. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News