Dumaan sa pagsubok bilang estudyante noon matapos mabigo ang negosyo ng ama, ibinahagi ng financial coach na si Chinkee Tan kung paano siya dumiskarte para magkaroon ng pera. Nagbigay din siya ng tips kung paano makakaahon sa financial struggles.

"Ang unang ginawa ko kasi nagbenta ako drugs [gamot]," sabi ni Chinkee sa nakaraang episode ng "Lutong Bahay."

"Para sa sakit ng ulo," paglilinaw niya naman. "Iyon ang unang ibinenta ko. Tapos toilet paper."

Ang kaniyang ina ang nagbebenta noon ng wholesale ng toilet paper, na para sa pamilya, samantalang siya naman ang nakatoka sa retail, na para sa kaniyang personal income.

"From toilet paper, I sold pants, I sold shoes, I sold shirts. Lahat nabenta ko na talaga," sabi niya.

Ayon kay Chinkee, dapat na naniniwala ang isang seller sa kaniyang produkto kapag pumasok sa negosyo.

"Kailangan siyempre, number one, 'yung gusto mo 'yung produkto, naniniwala ka sa produkto. Kaya ang lakas kong magbenta talaga. Hindi ako magpo-promote ng isang bagay na alam ko hindi maganda. After that, 'yun nga, I hit my first million at age 20+," kuwento niya.

Ibinahagi ni Chinkee ang mga stages na pinagdaraanan ng isang tao pagdating sa pinansiyal na buhay.

1. Stage of survival - Sa yugtong ito, nanggaling sa wala o sa hirap ng isang tao at gusto niyang makalabas dito.
2. Stage of stability - Matapos makaraos, ito na ang yugto kung saan mapapakain o mabubuhay na ng isang tao ang kaniyang pamilya at walang masyadong iniisip na problema.
3. Stage of success - Ito ang yugtong nagtatagumpay na ang isang tao.
4. Stage of significance - Para kay Chinkee, ito ang pinakamahalagang yugto.

"Successful na sila, matagumpay sila, pero malungkot," saad niya.

Matapos magtagumpay sa pera, dapat isipin ng tao kung paano niya maibabahagi ang kaniyang kaalaman.

"Hindi mo na iniisip 'yung sarili mo. 'Yung iniisip mo, paano mo maitutulong at mai-share 'yung kaalaman mo at kagalingan sa ibang tao," paliwanag niya.

Nang tanungin kung nabibili ba ng pera ang kaligayan? Sagot ni Chinkee, "yes" at "no."

"Let's be more practical. Pagka ikaw ay nabili mo ang gusto ng anak mo, malungkot ka ba? Nabili mo 'yung dream car mo, malungkot ka ba? Yes, money can buy happiness for the moment, but it can never buy joy," sabi ni Chinkee.

"Money can buy you a bed, but not a good sleep. Money can buy you medicine, but not good health," sabi pa niya.

Alamin naman ang payo ni Chinkee kung papaano tutugunan ang usapin sa utang, na ayon sa kaniya ang pinaka-stressful na mangyayari sa buhay ng isang tao dahil lagi itong iisipin.

Panoorin ang video at alamin kung ano ang tinatawag niyang "bawas-dagdag" method. 

 

-- FRJ, GMA Integrated News