Itinanggi ni Heaven Peralejo na naging "third party" siya sa isang relasyon ng isang aktor, at wala rin umanong katotohanan na hindi siya gusto ng pamilya ng dati niyang naging nobyo kaya umano sila naghiwalay.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong si Heaven kung bakit siya nasangkot sa kontrobersiya kasama ang aktor na si Kiko Estrada.
Ayon kay Heaven, nagkaroon lang umano ng “miscommunication,” at si Kiko na rin umano ang naglinaw nito sa isang interview.
“He did na parang... you know, it’s so far. Malayo ‘yung timeline, guys. But then, naunahan na eh. Naunahan na ng tsismis during that time, so kahit anong sabihin mo, sometimes wala na rin talaga,” paliwanag niya.
Tungkol kay Jimuel Pacquiao, sinabi ni Heaven na maayos ang relasyon niya sa miyembro ng pamilya nito, maging sa mga magulang ng binata na sina Jinkee at Manny Pacquiao.
Hindi umano totoo hindi siya gusto ng pamilya.
"Wala, Tito Boy," saad niya.
Nang tanungin kung ok sila ni Jinkee, sabi ng aktres, "Sobrang ok namin. Ok po kami until the end."
Karelasyon ngayon ni Heaven ang kaniyang “Pinoy Big Brother” Season 7 batchmate na si Marco Gallo.
Naniniwala si Heaven na gumana sa kanila ni Marco ang tinatawag na "invisible string" theory na para talaga sila sa isa't isa.
Paliwanag niya, dati na silang nagkaroon ng gusto sa isa't isa pero mga bata pa sila noon kaya hindi sila nagkatuluyan, hanggang sa muli silang nagkita.
Inihayag din ni Heaven, very open si Marco tungkol sa kaniyang mga naging ex. — FRJ, GMA Integrated News