Dahil hindi makauwi ng Pilipinas sa loob ng tatlong taon, naisipan ng single dad na OFW sa Japan na sorpresahin ang nag-iisa niyang anak, at magpapanggap siyang service crew. Pero sandali lang tumalab ang kaniyang pakulo dahil agad siyang nakilala ng bata kahit mata lang niya ang nakita nito. Ang hagikgik ng bata nang makumpirmang kaharap niya ang ama, walang katumbas na halaga.

Sa video na ipinakita sa For You Page ng GMA Public Affairs, sinabi ng OFW na si Noli Alba, na naisipan niyang sorpresahin ang kaniyang anak nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapagbakasyon mula sa kaniyang trabaho bilang mekaniko sa Japan.

Solo na itinataguyod ni Noli ang kaniyang anak kaya nagpasya siyang magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ito ng magandang buhay. Iniwan niya ang pangangalaga sa anak sa kaniyang pamilya.

Sa kaniyang pag-uwi, pinapunta niya ang anak sa isang fast food at magkukunwari siyang service crew.

Bagaman hindi nakasuot ng uniporme ng service crew, naglagay si Noli ng face mask para hindi siya makilala ng anak, at pinapuwesto niya ito na nakatalikod para hindi siya kaagad makita.

Ngunit nang ilapag pa lang niya sa lamesa ang order ng anak, kaagad na siyang tinitigan ng bata, sinilip-silip, at napatanong: "Si daddy ba ito?"

Nagpatuloy muna si Noli sa kaniyang drama na kunwaring service crew. Ngunit ang bata, patuloy siyang sinisilip hanggang sa hindi na rin makatiis si Noli at napangiti.

Nang hatakin ng anak ang suot na face mask ni Noli at makumpirma na kaharap niya ang ama, madidinig ang walang katumbas na halagang hagikgik ng bata na dala ng labis na tuwa.

Matapos mag-kiss ang anak, nagyakapan na ang mag-ama na tatlong taon nilang hindi nagawa.

Hindi man nangyari ang inaasahang sorpresa ni Noli sa anak dahil nakilala agad siya, masaya ang OFW dahil nalaman niyang hindi siya nakakalimutan ng anak.

"Ako rin po sobrang tuwa kasi bilang tatay yung hindi nakakalimot yung anak ko sa akin," saad ni Noli.
Emosyonal din na ibinahagi ni Noli na masaya siya na naisakatuparan niya ang mga plano niyang gagawin kapag umuwi at nakasama ang kaniyang nag-iisang anak.

Kahit ilang araw lang ang kaniyang naging bakasyon,  tiniyak niyang memorable ito dahil kasama niya ang anak niya kahit sa paggawa ng mga simpleng bagay. -- FRJ, GMA Integrated News