Hindi kuto kung hindi 19 na cocaine capsules ang nakita ng mga awtoridad sa suot na wig o peluka ng isang lalaki na naharang sa airport sa Cartagena, Colombia.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang video na dahan-dahang ginupit ng mga awtoridad ang peluka ng lalaki.

Ayon sa Cartagena Metropolitan Police, patungo sana sa Amsterdam ang suspek na Columbian nang maharang siya sa airport.

Nakumpiska sa lalaki ang 19 na capsule na may timbang na mahigit 200 gramo ng cocaine na may halagang 10,000 euros, o katumbas ng mahigit P600,000.

Nasa kustodiya na ng Attorney General's Office ang suspek, na nahaharap sa reklamong trafficking, manufacturing and possession of narcotics substances.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News