Nanganganib na mahulog sa tila malalim na bangin ang mahigit 1,000 bahay sa munisipalidad ng Buriticupu sa Brazil dahil sa napakalawak na sinkhole.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita sa video kung gaano kalaki at kalalim ang uka sa lupa na tinutumbok ang nasa mahigit 1,000 kabahayan.
Ilang bahay na ang nasira at nilamon ng sinkhole, at may mga residente na umalis na dahil sa takot.
Ayon sa ilang residente, taong 2017 pa nila napansin ang mg bitak sa lupa pero hindi raw kaagad inaksyunan ng kanilang lokal na pamahalaan.
Ngayon na malala na ang sitwasyon, nagdeklara ng state of emergency ang lokal na pamahalaan.
"In the space of the last few months, the dimensions have expanded exponentially, approaching substantially close to the residences," ayon sa Buriticupu Municipal government.
Sa may 55,000 ang nakatira sa Buriticupi, at nasa 1,200 ang nanganganib na kainin ng sinkhole ang mga bahay.
Ayon sa mga eksperto, bumilis ang pagdausdos ng lupa sa lugar dahil sa mga sablay na pagkakagawa sa mga gusali, at pinalala pa ng deforestation o pagkakalbo ng kagubatan.
Mabuhangin din umano ang lupa sa lugar kaya madaling bumigay.
Aminado ang awtoridad na kulang sila sa kapasidad para hanapan ng solusyon ang kanilang problema.
Sinimulan ng gobyerno ang relocation ng mga apektadong residente pero aminado silang wala pa silang solusyon sa nangyayaring malalim na pagbitak ng lupa. -- FRJ, GMA Integrated News