Sa halip na kumita ng P180,000, nawalan ng P23,700 ang isang punerarya sa Calasiao, Pangasinan matapos nilang malaman na scammer pala ang inakala nilang kostumer na tumawag sa kanila at may ipakukuhang bangkay sa ospital.
Sa ulat ni Jeric Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, ikinuwento ni Alfie Alvior, caretaker ng Cababat Funeral Homes, na isang lalaki ang tumawag sa kanila at nagtanong tungkol sa presyo ng kanilang serbisyo.
Ayon sa suspek, namatay ang kaniyang ina sa isang ospital sa Metro Manila, at nais niya sana na sa metal casket ilalagay ang mga labi nito sa burol.
“Ang nasabi kong presyo is P180,000. Kasama na ‘yung pag-pick-up [sa ospital] kasi metal casket ‘yung gusto para sa mama nila,” saad ni Alvior.
Ilang oras lang ang lumipas, tumawag uli ang nagpakilalang kostumer at sinabing sunod na namatay ang tiyuhin niya at hindi mailabas sa ospital sa San Carlos City ang bangkay nito dahil sa may hospital bills pa na hindi nababayaran.
Ayon kay Alvior, nagbigay siya sa lalaki ng P23,700 para mabayaran ang ospital at papupuntahin doon ang kaniyang kasama para kunin ang bangkay.
Gayunman, nang dumating ang kanilang tauhan sa ospital para kunin ang bangkay, lumitaw na walang record ng pangalan ang binanggit ng manloloko, at wala na rin ang kanilang pera.
“Para kaming na-hypnotize, sir. Hindi na namin nakuhanan ng identity, pati ‘yung hospital bills hindi na namin natanong,” pag-amin ni Alvior.
Dahil sa insidente, nagpaalala ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa mga nagnenegosyo na beripikahin mabuti ang mga nakikipagtransaksyon sa kanilang bago magbigay ng pera.
“Huwag mag-atubili na i-report ito agad sa ating mga awtoridad lalo na sa ating kapulisan dito sa Pangasinan, sa ating mga [police] station. Kung may nangyaring transaksyon, agad i-secure ang kanilang mga account,” ayon kay Police Leiutenant Trisha Guzman, PPO Information Officer. -- FRJ, GMA Integrated News