Nag-viral kamakailan ang video sa Davao City na nakuhanan sa loob ng isang pampasaherong jeepney ang lalaking sakal-sakal ang isang dalaga na bumibiyahe sa McArthur Highway sa Talomo District. Bakit nga ba ito ginawa ng lalaki? Alamin.

“Sumakay ang suspek diyan sa may barangay. Wala akong narinig. Ang sigaw lang ng babae na, ‘Tulong!’” sabi ni Ronnie Compra, driver ng jeep sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Dahil sa komosyon, agad nang nagsitalunan at nagpulasan ang ibang mga pasahero ni Compra. Plano ni Compra na tulungan ang babae, ngunit pinagbantaan din siya ng lalaki.

“Nagagalit siya! ‘Pag huminto ako, papatayin niya ‘yung babae. Natakot talaga ako nu’n,” sabi ni Compra.

Pagkarating ni Compra sa isang kanto ng Barangay Ulas na mayroong police outpost, at agad niyang inihinto ang jeep.

Ang konduktor ng humahabol na jeep na si Noel Dayaganon, agad sinuri kung armado ang suspek, bago buong tapang na sinaklolohan ang biktima.

Nang suntukin niya ang lalaki, tila tumawa lang ito, ayon kay Dayagon. Sa pangalawa niyang suntok, nagawa nang makatakbo ng babae pababa ng jeep.

Hinila ni Dayaganon ang lalaki palabas ng jeep, at marami na ang tumulong.

“Tumatawa pa sa akin. Parang hindi siya nagsisi sa ginawa niya,” anang konduktor.

Nadakip ang lalaki, samantalang walang tigil sa pag-iyak ang 19-anyos na babae na si “Alyzza,” hindi niya tunay na pangalan.

Pumayag si Alyzza na magpaunlak ng panayam makaraan ang dalawang araw matapos ang insidente.

“Tuwing pumipikit ako, nakikita ko ‘yung pangyayari. Kaya ‘yun, hindi ako nakakatulog talaga. Natatakot ako, wala akong gana,” sabi ni Alyzza.

Umaga bago ang insidente, iba ang pakiramdam ni Alyzza sa pagpasok sa trabaho. Samantala ang lalaki naman, nahagip sa CCTV ng Barangay Bago Aplaya na naglalakad nang walang suot na tsinelas.

Pagkasakay ni Alyzza sa jeep, sumampa naman ang lalaki, at napansin niyang agresibo ito at tila namimili ng pasahero. Hanggang sa hinawakan na nito ang kaniyang kamay.

“Nilabanan ko siya, sinipa ko siya, tinulak ko pero malakas talaga siya. Pagtulak ko, sinubukan kong bumaba, doon na niya ako na-lock. Sinakal na niya ako,” anang dalaga.

Tinanong ng dalaga kung ano ang problema ng lalaki, at nag-alok pang ibibigay na lang ang kaniyang cellphone. Gayunman, tila walang plano ang lalaki na mangholdap o manghipo.

Ang suspek na si alyas “Loyloy,” na nakakulong na ngayon, inaming may pinagdadaanan dahil hindi niya alam kung saan kukuha ng pampalibing sa pumanaw niyang partner.

“Ililibing bukas ma’am. Pupunta sana ako roon kasi hihingi ako ng tulong sa auntie ko. Biglang pumasok sa isip ko na ganu’n,” sabi ni Loyloy.

Ayon kay Police Captain Hazel Caballero Tuazon, PIO ng Davao City Police Office, may depresyon ang lalaki, samantalang sinabi ng pamilya nito na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot.

Nahaharap ngayon si Loyloy sa reklamong grave coercion, na may piyansang P30,000. Ang parusa, isa hanggang anim na buwang pagkakakulong, at physical injury, na may piyansang P3,000 at kulong ding isa hanggang anim na buwan.

Pormal nang nagsampa ng kaso si Alyzza sa korte at muling nakaharap si Loyloy.

“Humihingi ako ng tawad sa kaniya. Hindi naman talaga tama ‘yung nagawa ko,” sabi ni Loyloy.

“Hindi mababayaran ng sorry ang ginawa niya sa akin,” sabi ni Alyzza.

Samantala, tunghayan sa video ng KMJS ang muling pagkikita nina Alyzza at ang konduktor na unang sumaklolo sa kaniya na si Compra. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News