Humingi ng tawad si Jam Ignacio sa kaniyang fiancée na si Jellie Aw na nag-akusa sa kaniya ng pananakit. Umaasa ang negosyante na magkakaayos sila ng kasintahan at itutuloy ang pangarap nilang bumuo ng pamilya.
Sa ekslusibong panayam ni John Consulta para sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ni Jam ang pagsisisi sa nangyari na nag-ugat umano sa simpleng hindi pagkakaunawaan.
"Sa simpleng hindi pagkakaunawaan, siguro may halo na rin sigurong pagod sa maghapon na lakad namin. Kumbaga, tao lang din siguro ako, kumbaga baka napuno lang din siguro ako na hindi ko sinasabi na tama pero hindi ko para i-tolerate na gawin ulit. Humihingi ako ng tawad. Pasensya na talaga," pagsumamo niya.
Humingi rin si Jam ng paumanhin sa mga mahal sa buhay ng vlogger at disc jockey na si Jellie.
"Sa mga kapatid, sa mga kaibigan, dito ako haharap sa inyo. Humaharap na humihingi ng taos-puso na sorry. Sorry, sobrang sorry, lalo na sa mommy ni Jellie. Ma, sorry, ma. Alam niyo 'yan na mahal na mahal ko si Jellie," sabi ni Jam.
Nakiusap si Jam kay Jellie na ayusin na lang nilang dalawa ang problema at nangakong hindi na mauulit ang nangyari.
"Pinapangako ko sa 'yo na hindi na mauulit 'to and then sana bigyan mo ng pagkakataon na ayusin natin 'tong pareho nang pribado na sa 'ting dalawa. Alam ko naman na alam mo din na mahal natin ang isa't isa. Madami tayong gustong gawin at pangarap na sana maayos natin at matupad natin," pahayag pa nito.
"Alam mo na gusto ko ikaw na 'yung makasama ko talaga. Alam mo' yan na may plano tayo bumuo ng pamilya. Tuparin natin, hon. Nagmamakaawa ako sa 'yo, sana ayusin natin 'to," dagdag pa niya.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ni Jellie tungkol sa pakiusap ng nobyo.
BASAHIN: Vivamax star na si Jenn Rosa, naranasan din na maging duguan dahil sa bugbog noon ng nobyo
Pero dati nang sinabi ni Jellie na handa niyang patawarin ang nobyo ngunit dapat nitong panagutan ang ginawang pananakit umano sa kaniya.
Noong nakaraang linggo, nagtungo si Jellie sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para pormal na ireklamo si Jam.
Naglabas naman ng subpoena ang NBI nitong Lunes para kay Jam upang hingan ng paliwanag tungkol sa inihaing reklamo laban sa kaniya ni Jellie.
Bago nito, nag-viral sa social media ang mga larawan ni Jellie na may sugat at duguan ang mukha matapos umanong saktan ng kaniyang nobyo.— FRJ, GMA Integrated News