Humantong sa pagka-comatose ang nangyaring pagputok ng ugat sa utak ang isang babae na naunang nakaramdam ng matinding pananakit ng ulo. Mayroon nga bang kinalaman sa kaniyang sinapit ang sobrang stress at pagiging subsob niya sa trabaho? Alamin.
Sa For You Page ng GMA Public Affairs, inamin ng negosyanteng si Erika Duran, na isa siyang workaholic.
Matapos na maoperahan upang alisin ang pagdurugo sa kaniyang utak, mapalad na naka-recover si Erika para ibahagi ang kaniyang naranasan.
Ayon kay Erika, matagal na siyang nakararamdam ng sakit sa kaniyang ulo. Hanggang noong nakaraang Nobyembre, ang naturang pananakit ng ulo ay humantong sa kaniyang pagkaka-comatose.
"May tumutulo na roon sa bibig ko parang laway yata o tubig. Seizure na pala 'yon. Mas lalo siyang [kasama sa bahay] kinabahan kasi noong nakita niya ako, parang wala na talaga akong malay," sabi ni Duran, na pumutok na pala ang ugat sa utak.
Kaya nang isugod sa ospital, kinailangan nang tubuhan si Erika at ipasok sa ICU.
Paniwala niya, nangyari ang pagputok ng ugat sa kaniyang utak dahil sa stress at sobrang pagtatrabaho.
"Sobrang subsob din ako sa work. Halos puyat tapos maraming iniisip," sabi ni Erika.
Nang suriin ng mga espesyalista, natuklasang may arteriovenous malformations o AVM si Erika.
"It's a congenital problem. Normally meron pong normal na pagdaloy ng dugo. Once our heart pumps blood, isa po sa direksyon ng dugo na pina-pump mula sa puso, diretso sa brain, it passes through the arteries. With AVM po, nagkakaroon ng abnormal na connection 'yung artery and brain. Ibig sabihin nagkakaroon ng halo-halo na pagdaloy ng dugo. And in some cases it can lead to a rupture," sabi ni GV T. Liabres MD, FAFN, Cerebrovascular neurosurgeon ng Makati Medical Center.
Posible rin umanong nakadagdag ng pressure sa veins sa utak na sanhi ng pagputok ang stress at pagpupuyat dahil sa sobra-sobrang pagtatrabaho.
Dahil dito, sumailalim si Erika sa open brain surgery upang alisin ang namuong dugo sa ugat ng kaniyang utak.
"Noong sinabi sa husband ko na puwedeng maoperahan o puwedeng matanggal, pero walang assurance na babalik ako sa normal. Hindi sure kung ano ang matatamaan na ugat, kung makakapagsalita pa ba ako o makakapaglakad o makakakita. Sobrang thankful lang kasi noong naoperahan ako, noong nagising ako, ito na ako ngayon actually," sabi ni Erika.
Nang maoperahan, halos walang maalala si Erika sa pinagdaanan niyang kalbaryo.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kaniyang pagpapagaling. Pahinga na rin muna siya sa kaniyang trabaho.
"Kailangan mag-slowdown tayo, alamin ang priorities natin," payo niya. -- FRJ, GMA Integrated News