Matapos manganak o nagkakaedad na, may mga parte ng katawan ng mga babae na hindi na kayang maibalik pa sa dati. Gaya ng maselang bahagi ng katawan matapos magsilang. Kaya ang ilan, gumagamit ng tinatawag na “virginity soap” para mapasikip ang kanilang private part. Epektibo at ligtas naman kaya itong gamitin?

“Usually kapag nagkaroon ng experiences like childbirth, 'yung hammock or 'yung muscles natin na nagsusuporta doon sa may bandang ibaba, nagkakaroon sila ng breakage dahil sa paglabas ng ulo ng bata kapag nanganak," ayon kay Dr. Hannah Maclang-Soliman, Obstetrician-Gynecologist, sa isang episode ng “Pinoy MD.”

"So, kadalasan, hindi na siya bumabalik doon sa dating state dahil doon sa mga breakage na nangyayari. Isa pa, ‘pag tumatanda na, 'yung mga collagen na nag-hold ng mga structures, puwedeng lumuluwag na sila o 'yung structure nila nag-iiba na habang tumatanda,” paliwanag pa niya.

Kung kaya o may sapat na pera, ang ilang kababaihan, sinusubukan ang tinatawag na “vaginal tightening.”

Habang ang mga nais makamura, sinusubukan ang “virginity soap,” gaya ng 24-anyos na si Ana, hindi niya tunay na pangalan.

“Gusto kong ma-maintain 'yung magandang relationship ko with my partner kaya gusto kong subukan 'yung pampa-tighten sa kaniya,” sabi ni Ana.

Napansin raw agad ni Ana ang epekto nang subukan niya ang sabon.

“Sinabi niya na lang sa akin na ang bango ng private area ko tapos sumikip na daw 'yung aking private area,” pag-alala ni Ana na sinabi ng kaniyang nobyo matapos ang dalawang taon niyang paggamit ng virginity soap.

Ayon kay Dr. Soliman, mayroong menthol ang vaginal tightening soaps na nagbibigay ng cooling effect. May kasama rin itong pabago para magkaroon ng mabangong effect sa vaginal area.

"Meron din silang oils para pakiramdam nu’ng gumagamit, soft 'yung vaginal area nila na minsan kasi kapag tumatanda na, meron sensation na dry na siya. So with the help ng mga oils, siyempre lumalambot and kumikinis 'yung mga area na iyon,” dagdag niya.

Bagama’t may firming at cooling effect ang virginity soap, sinabi ni Dr. Soliman na hindi nito totoong mapasisikip ang ari ng isang babae.

“Hindi naman talaga sumisikip 'yung muscles natin kasi wala naman parte du’n sa ingredients nila na makakagawa nu’n. For example, 'yung mga menthol, katulad din lang ng facial toners, may ma-experience tayo na tightening effect dahil du’n sa cooling effect niya,” sabi ni Dr. Soliman.

Nagpayo ang doktor na tiyaking rehistrado sa FDA ang mga ganitong sabon para masigurong ligtas itong gamitin.

Sa mga nais na magpa-vaginal tightening, maaaring subukan ang mga non-surgical at surgical procedure ng pagpapasikip ng private part ng mga babae, gaya ng (HIFU) o high-intensity focused ultrasound.

“Ang katawan natin talagang nagbabago at tanggapin natin ‘yan. So ang kasiyahan sa mag-asawa, wala ‘yan sa higpit or sa size. Nasa connection talaga natin, 'yung ating respeto, 'yung ating kuwentuhan at 'yung ating pagbabahagi ng ating mga damdamin. Alam niyo, ‘pag ang relasyon, habang bata o habang simula, inaalagaan natin. Alam niyo, mas maganda itong samahan natin,” sabi ni Maribel Dionisio, isang parenting and relationship specialist.

Payo ni Dr. Soliman, alamin muna ang mga sangkap ng gagamiting sabon para matukoy kung may allergy. Madali na ring suriin ang FDA approval sa online. -- FRJ, GMA Integrated News