Inihayag ni Gabbi Garcia na minsan din niyang pinangarap na maging housemate sa "Bahay ni Kuya" sa "Pinoy Big Brother."

Sa episode ng "All-Out Sundays," sinabi ng Kapuso It Girl na 2012 nang mag-audition siya sa naturang reality show.

"Alam n'yo ba, story time, nag-audition ako sa PBB way back 2012," saad ng aktres.

Pagkaraan ng 13 taon, magiging Kapuso host si Gabbi sa upcoming "Pinoy Big Brother Celebrity Edition Collab" na ipalalabas din sa GMA Network ngayong taon.

Sa Instagram post, ipinost ng aktres ang lumang larawan niya nang mag-audition at nakapila sa Pinoy Big Brother noong 2012, at may hawak na number na "03951."

"I'm beyond excited to announce that I'll be one of your hosts for the upcoming Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition! See you all sa Bahay ni Kuya!" ani Gabbi.

Ayon kay Gabbi, sa "PBB Teen Edition Season 4" siya nag-audition noong 2012 na si Sparkle actress Myrtle Sarrosa ang naging big winner.

"Fast forward to 2025—looks like I was meant to host it instead! Or who knows? Maybe there's still more in store," dagdag ni Gabbi.  "This is a huge milestone, and I can't wait to share this experience with all of you! Game na ba kayo?!"

Sa upcoming edition ng programa, ilang Kapuso at Kapamilya artists mula sa Sparkle at Star Magic ang magsasama-sama sa Bahay ni Kuya. —FRJ, GMA Integrated News