Laking gulat ng isang fur parent sa Cabanatuan, Nueva Ecija nang makita niya ang bagong panganak niyang aso na chihuahua, na kasama sa mga tuta na inaalagaan ang isang malaking daga.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Erwin Estoque, pur parent ng aso na si "Tity," na nagtaka siya kung bakit may kasamang daga ang kaniyang alaga gayung hate na hate daw nito ang daga.
"Nakailang huli na po kasi si Tiny ng daga. Mas masipag pa nga po siyang manghuli kaysa sa pusa namin," ani Erwin.
Kaya namangha siya kung bakit tila naging very close sa kaniyang alaga ang isang daga, at ang aso pa mismo ang nagpasok sa kulungan na pinaglalagyan ng mga tuta.
"Kasi kilala ko yung mga kulay na tuta eh. Nagulat ako merong itim, nang sinilip ko nagulat ako daga pala. Nagtaka lang ako bakit ngayon ipinasok niya dun sa loob ng box," dagdag niya.
Sinubukan daw Erwin na alisin ang daga pero nagagalit si Tiny. Kaya gumamit siya ng pang-ipit upang maialis ang daga sa kahon.
Pero bakit kaya tila napalapit kay Tiny sa naturang daga?
Ayon sa beterinaryo na si Dr. Sean Javier, posible na matagal nang bumibisita doon ang daga at naging kaamoy na rin ng mga tuta .
"‘Yung mga nanay is nahihirapan sila na identify kung sino ‘yung tuta nila. Akala nila part ng family rin yun kung lagi nilang nakikita, naaamoy or nakaka-mingle," paliwanag niya.
Depende rin umano kung paano sinanay o pinalaki ang aso. Tama lang daw na inilayo agad ni Erwin ang daga sa mga tuta ni Tiny.
"Kasi ‘yung mga daga po puwedeng magdala ng iba't ibang sakit. Puwedeng maipasa ‘yung leptospirosis, nandiyan rin ‘yung rocky mountain spotted fever na tinatawag. Ang nagta-transmit naman nito ‘yung mga tick na makikita doon sa daga," dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News