Kahit nagkaroon ng seryosong karamdaman, hindi binitawan ng isang binata ang sinimulan niyang Pinoy hotdog business. Ngayon, bukod sa maayos na ang kaniyang pakiramdam, buhay na buhay din ang kita ng kaniyang negosyo.
Sa isang episode ng programang “Pera Paraan,” ikinuwento ng 25-anyos na si Niccolo Velarde, mula sa Sampaloc, Maynila, na nagsimula siyang magtinda ng hotdog noong pandemic via online.
“Nag-start 'yung overload na Hungarian noong pandemic. Stuck ako dito sa bahay, gusto ko may mangyari. So nag-isip ako paano 'yung madaling lutuin, ano 'yung mura, affordable. Naisip ko 'yung overload na hotdog. Nilagyan ko siya ng iba-ibang toppings. Nag-base ako sa US,” paliwanag ni Velarde.
Pumatok ang kaniyang negosyo online kaya naisipan ni Velarde na gawing hotdog stand ang kanilang garahe.
Ngunit sa paglago ng kaniyang negosyo, dumating ang mabigat na pagsubok sa kaniya nang matuklasang mayroon siyang leukemia, na nangangailangan ng tatlong taong gamutan.
“It was hard kasi while I was running the business, siyempre simula pa lang, kailangan araw-araw tutok ka. E hindi ko magawa 'yun kasi pabalik-balik ako ng ospital. Maliban sa negosyo 'yung iisipin mo, iisipin mo rin kung okay ka na ba,” sabi pa ni Velarde.
Nais na rin ng mga magulang niya na itigil ang kaniyang pagnenegosyo dahil baka makasama sa kaniya. Ngunit iginiit ni Velarde ang bagay na gusto niyang gawin at ipagpatuloy.
“Sabi ko, this is what I want to do. And ‘yun, hanggang sa lumaki nang lumaki, sinuportahan na rin nila ako,” kuwento niya.
Hindi natapos ni Velarde ang kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management dahil sa kaniyang sakit. Pero hindi iyon naging hadlang para hindi niya itinuloy ang kaniyang negosyo.
“I went back to school for one semester. I felt like na hindi ito para sa akin. Sabi ko, magtatayo na lang ako ng negosyo. School is a privilege kasi. Kung kaya niyo, siyempre mas maganda na magtapos kayo,” payo niya sa iba.
Sa ngayon, nasa mabuting kalusugan na si Velarde habang tuloy-tuloy pa rin siya sa pagpapalago ng kaniyang negosyo.
Ibinenta niya ang dating pangalan ng kaniyang negosyong hotdog sandwich at gumawa siya ng bago na mas malaki, upgraded ang menu at may mga twist.
Kakaiba rin ang pangalan ng hotdog sandwiches ni Velarde, gaya ng “Manila Sandwich” na may chili con carne with overloaded cheese, mayo, ketchup at mustard; “Laon Laan Sandwich” na may bacon at golden egg with cheesy white sauce; “Palauig Sandwich” na may fries with garlic mayo; “Intra Sandwich” na may veggies with caramelized onions, pickled relish at tomatoes; “Pasay Sandwich” na may teriyaki sauce, Japanese mayo at nori seaweed; at “Binondo Sandwich” na may Takoyaki taste.
Mabibili ang mga ito ng P90 hanggang P110, ngunit puwede ring gawing combo na may kasamang fries o nachos sa halagang P145 hanggang P160.
Nakauubos umano si Velarde ang mula 200 hanggang 250 na piraso ng hotdog kada araw. Mula sa P10,000 na puhunan mula sa kaniyang savings, nakabili na siya ng mga gamit at ingredients, at kumikita na ng P100,000 kada buwan.
Ayon kay Velarde, pinahahalagahan niya rin ang good customer relationship para mas tangkilikin ng tao.
“Hindi 'yung usual na mag-take ng order, talagang makikipagkwentuhan ako. Nakikipag-collaborate ako sa mga content creator,” sabi ni Velarde.-- FRJ, GMA Integrated News