Ipagdiriwang ngayong Miyerkules, January 29, ang Chinese New Year, na idineklarang special non-working holiday. Ano nga ba ang hatid ng Year of the Wooden Snake para sa ating zodiac sign ngayong 2025? Alamin.
Ayon sa Feng Shui expert at Geomancer na si Patrick Lim Fernandez, ang 2025 ay taon ng Wooden Snake na tungkol sa pagbuo ng maayos na relasyon.
“A lot of our luck would be from working through others,” saad ni Fernandez sa mga mamamahayag na dumalo sa isang event sa New World Makati.
Narito ang pangkalahatang gabay sa pinansyal, kalusugan, trabaho, at pag-ibig para sa bawat Chinese Zodiac sign ngayong 2025, na taon ng Wooden Snake.
Rat (1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008): Ang taong ito ay tungkol sa paggawa ng pera at pag-invest. Sa gabay ng Jade Hall star, samantalahin ang pagkakataon na mag-diversify ng iyong kita para sa mas magandang financial standing sa hinaharap.
May mga pagkakataon sa taong ito na makakaranas ng mga pagsubok, ngunit ang mga ito ay blessings in disguise, na dapat tanggapin bilang leksyon upang maging mas mabuting tao.
Ox (1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009): Ang taon na ito ay nakatuon para matuklasan ang pagiging malikhain sa tulong ng Star of Art. Maging maingat sa pakikisalamuha sa iba at palaging tanungin ang sarili kung dapat ba itong paglaanan ng oras at atensyon.
Mag-ingat sa iyong araw-araw na gawain upang maiwasan ang mga aksidente. Subukan ang mga blood test, mag-donate ng dugo, o ipatingin ang ngipin sa Pebrero 4 upang maalis ang ilang masasamang energy.
Tiger (1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010): Mag-focus sa strategic planning ngayong taon para sa sarili at sa trabaho. Magandang pagkakataon ngayon upang isipin ang mga susunod na taon—1, 3, 5, at kahit 10 taon—at magplano nang maaga para sa iyong karera at negosyo. Bukod dito, mahalaga ang pangangalaga sa mental health sa taong ito.
Rabbit (1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011): Mag-focus sa pagpapaunlad ng kanilang mga kasanayan sa sarili at self-improvement sa pamamagitan ng pag-aaral ng short courses o matuto mula sa iba.
Para sa mga malalaking desisyon, humingi ng payo mula sa mga pinagkakatiwalaang tao at balansehin ang emotional at rational factors. Palakasin ang samahan ng pamilya at maglaan ng oras upang makipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay.
Dragon (1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012): Magandang pagkakataon ang taong ito para mag-focus sa relasyon—kung naghahanap man ng bagong relasyon o pagpapalakas ng kasalukuyang koneksyon. Mayroon ding bituin ng "Surpassing Path," na nangangahulugan na malalampasan mo ang mga layunin na iyong itinakda. Ngunit mahalaga na gawing malinaw ang mga goal. Pangalagaan ang iyong social battery at balansehin ang social interactions upang makaiwas sa burnout.
Snake (1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013): Nasa iyo ang spotlight ngayong taon. May magandang oportunidad ngayon ngunit tandaan na manatiling mapagpakumbaba at pasalamatan ang mga taong tumulong sa iyo. Pagtiwalaan ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo, at sundin ang iyong instinct. Iwasan ang pagdududa sa mga gagawing desisyon—kapag may naisip na desisyon, manatili at gawin ang naisip na desisyon.
Horse (1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014): Magandang panahon ito para isipin kung paano pagsasamahin ang pangunahing kasanayan sa mga passive income tulad ng mga investments o real estate. Pagdating sa productivity, ipinapayo ng Tai Yang star na ituon ito sa araw, kaysa sa gabi.
Magiging very attractive din sa opposite gender ngayong taon, pero maging maingat sa tukso lalo na sa romance. Pangalagaan ang pagiging mapanghali at manatiling nakatapak sa lupa o mapagpakumbaba.
Goat (1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015): Mag-ingat sa hindi maaasahang impormasyon at palaging alamin ang mga pinagmulan. Bantayan ang posibleng mga alitan sa trabaho o sa bahay, at mag-focus sa pagpapanatili ng harmony. Alagaan ang iyong pinakamalalapit na mga kaibigan at magbigay ng suporta kapag kinakailangan.
Monkey (1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016): Hanapin ang mentorship mula sa mga kababaihan, maging sila ay kasamahan, lider, o mga mas bata, dahil makatutulong sila nang malaki ngayong taon. Magkaroon ng mga oportunidad mula sa mga bagong koneksyon, kaya mag-focus sa networking.
Iwasang makialam sa mga gawain ng iba at manatiling ituon ang sariling landas upang iwasan ang mga komplikasyon. Maging maingat sa mga investment upang maiwasan ang mga delikado at kaduda-dudang transaksyon.
Rooster (1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017): Ngayong taon, makikita mo ang bunga ng iyong mga nakaraang pagsisikap sa pamamagitan ng pagkilala at paggalang. Maganda rin ang panahon na ito upang yakapin at paghusayin ang iyong estilo ng pamumuno.
Ngunit maging maingat sa mga bagay na maaaring magpapalala ng iyong pagkairita lalo na sa mga malalapit na relasyon. Manatili kang mapagmatyag at pamahalaan ang iyong mga reaksyon upang maiwasan ang hindi kinakailangang stress.
Dog (1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018): Ang Red Phoenix Star ay nagpapahiwatig na palawakin ang iyong social circle at makipag-ugnayan sa mga bagong tao. Maraming oportunidad ang darating, ngunit upang lubos na tanggapin ang mga ito, kailangan mong bitawan ang mga sama ng loob sa pamilya o mga kaibigan.
Sa huli, mag-focus sa iyong kalusugan at finances—panatilihin ang malusog na lifestyle at maging maingat sa paggastos upang mapanatili ang iyong financial stability.
Pig (1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019): Sa taong ito, ang paggawa ng mga gawaing makatutulong sa iba ay magdadala ng positibong enerhiya. Magandang pagkakataon din ngayon para sa mga biyahe—maiksi mang bakasyon o mahabang biyahe para magpahinga.
Ngunit katulad ng ipinapakita ng Virtue Star, maging maingat sa sobrang paggastos, bagaman ang pagbili ng mga ari-arian tulad ng property ay maaaring maging kapaki-pakinabang bilang investment.
Sa lahat, ipinapa-alala na ang mga ito ay gabay lamang. Ang ating kapalaran ay nakasalalay sa mga desisyon at aksyon na ginagawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay.
Gong Xi Fa Cai, mga Kapuso!
— mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News