Laking gulat at nakaramdam din ng takot ang isang lalaki sa Tanjay City, Negros Oriental nang makita niya ang hitsura ng isang biik na isinilang ng kaniyang alagang inahing baboy.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing walo ang lahat ng biik na isinilang ng alagang baboy ni Alfredo Cardinas Jr.
Sa walong biik, pang-apat na lumabas ang biik na may kakaibigang hitsura na tila mukha ng tao, at may tunog din umano na tila tao.
"Noong nakita ko natakot ako. Narinig ko yung tunog niya at na-shock ako sa tunog," ani Alfredo. "May tunog siya na "O," ganun. Tunog bata siya."
Hindi kumpleto ang mga bahagi ng mukha ng biik pero buhay ito nang isilang. Normal naman ang hitsura ng iba pang biik.
Pagkaraan ng apat na oras matapos na isilang, namatay ang biik na may kakaibang hitsura, at kanilang inilibing.
Hindi raw iyon ang unang beses na nagsilang ng biik na may kakaibang hitsura ang kaniyang inahing baboy
Nagkaroon na rin umano sila ng biik na tila may pakpak.
Ayon naman sa isang beterinaryo, posibleng premature ang biik na mukhang tao, o kaya naman nagkaroon ng abnormality sa pagbubuntis ng inahing baboy.
Hindi rin umano totoo ang haka-haka ng ibang nakakita sa biik na may ibang hayop na maaaring nakabuntis sa inahing baboy. -- FRJ, GMA Integrated News