Nagkagulo at namangha kamakailan ang mga residente sa isang barangay sa Bacacay, Albay matapos na makakuha ng sangkaterbang barya ang ilang kabataan sa isa nilang kanal. Saan kaya nanggaling ang mga naturang barya?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang mga batang magkakaibigan na sina Gab, Nathan at Jacob ang unang nakadiskubre sa mga barya sa kanal ng Barangay 14.

Kuwento ng nanay ni Nathan na si Shiela, bibili sana ng miryenda ang tatlong bata nang aksidente mahulog ang dala nilang P10 barya sa kanal.

Dahil madumi ang kanal, naisipan ni Nathan na kumuha ng magnet para makuha ang barya. Pero nang iangat niya ang magnet, may iba pang mga barya na dumikit dito.

Ang mga barya, nagkakahagala ng P10, P5, P1, at 25 sentimos.

Ayon kay Shiela, ang ibang coins na nakuha ng mga bata, may mga kalawang na.

Ang mga kabataan na sina Michael at EJ, naisipan namang pasukin na ang kanal upang maghanap ng mga barya sa pamamagitan ng pagkapa.

Kasya umano ang mga bata sa loob ng kanal pero nakayuko. Ang tubig sa kanal, hanggang paa lang umano at mabaho.

Ayon kay Michael Sr. na ama ni Michael, sa unang araw ng paghahanap ng kaniyang anak ng barya sa kanal, naka-P400 ang mga bata.

Sa sumunod na araw, P300 naman ang naipon nina Michael. At sa ikatlong araw na pagpasok nila sa kanal, may nakuha pa umanong mga barya ang mga bata na nasa supot, na umabot naman sa kabuuang P150.

Ngunit ang tanong, saan kaya naggaling ang mga barya?  

"Batay sa aking napag-alaman may isa akong residente dito na binibigyan ang dating nakadestinong pari dito ng coins," sabi ng punong barangay na si Lito Bandola.

Ang naturang tao, nakikita rin umano na nagtatapon ng plastic sa kanal.

Naisipan ng barangay na linisin ang kanal kung saan may nakitang mga barya. May makuha parin kaya silang barya? Panoorin ang video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News