Tinanggal ng SM Megamall ang isang security guard na nakita sa viral video na sinipa ang isang batang babae na nagtitinda ng sampaguita sa labas ng establisimyento. Ang bata, nagalit sa sekyu nang sirain ang kaniyang paninda kaya hinampas niya ang sekyu.
“We regret and sympathize with the young girl who experienced an unfortunate incident outside our mall,” saad ng SM Megamall sa isang pahayag nitong Huwebes na kanilang inilabas.
“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation. The security guard has been dismissed and will no longer be allowed to service any of our malls,” dagdag ng SM Megamall.
Mariin ding kinokondena ng pamunuan ng SM Megamall ang inasal ng guwardiya sa batang babae, "[a]s SM Supermalls always promotes inclusivity for all."
Sa viral video, mapanonood ang security guard na nakikipagtalo sa batang tindera ng sampaguita na nakasuot ng school uniform. Pagkatayo ng bata, bigla na lang inagaw at sinira ng security guard ang hawak niyang bigkis ng mga sampaguita.
Dahil dito, hinampas ng bata ang security guard gamit ang mga nasirang bulaklak. Gumanti naman ang guwardiya ng pagsipa.
Sa ilang pang video na naka-post online patungkol sa insidente, makikita na unang pinagsasabihan at pinapaalis ng sekyu ang vendor na nakaupo sa hagdan na daanan ng mga tao sa bukana ng mall.
Ayon sa Philippine National Police - Civil Security Group (CSG), magsasagawa sila ng administratibong imbestigasyon laban sa security guard.
Sinabi ng CSG na tinitingnan ng Supervisory Office para sa Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang posibleng pananagutan ng security guard at ng kaniyang ahensya dahil sa insidente.
“Agad-agad po inaksyunan ng opisina ng SOSIA ang nasabing insidente,” sabi ni CSG public information office chief Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online.
“Sila po ay kasalukuyan isinisagawa ang administrative investigation laban sa gwardia at ang maaring pananagutan nito at ng kanyang ahensya,” dagdag niya.
Sinabi ni Gultiano na magiging patas at mabilis ang kanilang tanggapan sa imbestigasyon nito sa insidente.
Wala pang pahayag na galing mula sa sangkot na security guard.
Samantala, naglabas din ng pahayag ang agency ng security guard na Redeye II Managemen, at sinabing ikinalulungkot nila ang nangyari at nagsasagawa sila ng imbestigasyon.
"We acknowledge the viral video involving the guard at Megamall and deeply regret that this incident occurred. We sincerely apologize for the actions displayed in the video and assure everyone that we are already conducting due process with the guard involved," saad sa pahayag.
"May this serve as a reminder to all agencies of the values we must uphold in performing our duties. It is crucial to prioritize de-escalation and avoid letting emotions take control of our actions," dagdag nito. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News