Matapos mag-selfie sa loob ng kampo ng mga pulis sa General Santos City habang suot ang uniporme na kagaya nang sa pulis, sa loob naman ng kulungan maaaring magpa-picture ang isang lalaki matapos siyang arestuhin.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing dinakip ang 24-anyos na lalaki sa loob ng General Santos City Police Office (GSCPO) habang nakasuot ng uniporme na katulad nang sa pulis.

Nag-selfie ang lalaki sa tabi ng estatwa ng SAF-44 na nasa parking area sa loob ng kampo nitong Lunes.

Sinita ang lalaki at hinanapan ng mga katibayan na pulis siya. Pero nang walang maipakita, inaresto siya.

Ayon kay GSCPO Director, Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., sinamantala ng lalaki ang pagpapasok ng mga tao na dudulog sa pulisya.

Ang lalaki, sinabi umano na nabili niya ang police uniform sa online.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang lalaki, kabilang ang usurpation of authority at illegal use of police uniform.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang inarestong lalaki, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News