Nalagay sa peligro ang buhay ng isang bata nang mahulog siya mula sa isang ski lift o gondola sa taas na 40 talampakan habang paakyat ng bundok sa Hebei, China. Kahit walang malay nang abutan ng rescuers ang bata, himala siyang nakaligtas. Alamin detalye sa nahuli-cam na insidente.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ang insidente sa isang ski resort sa Hebei, China. Nandoon umano ang bata para sa skiing lessons.
May iba pa raw na kasama ang bata sa gondola pero umano napansin ng mga ito ang pagkahulog ng biktima.
Ngunit hindi malinaw sa local reports kung sino ang kasama niya sa gondola.
Sa video, makikita na nakalambitin na sa gondola ng bata. Napansin siya ng mga tao na nakasakay sa ibang gondola na nakasunod sa bata.
Ngunit nang lalo pang umandar paakyat ang gondola, nakabitiw na ang bata at nalaglag sa taas na tinatatayang nasa 40 talamkapan.
Bumagsak ang bata sa bahagi na maraming puno at may snow sa ibaba.
Kaagad na sinaklolohan ng emergency services ang bata at dinala siya sa ospital. Bagaman walang malay nang makita ang biktima, nakaligtas naman siya.
Pinaniniwalaan na nakatulong sa bata para makaligtas ang mga sanga ng puno na kaniyang binagsakan na mistulang sumalo sa kaniya. Nabawasan din ang impact ng kaniyang lagapak dahil sa snow sa ibaba.
Ayon sa pamunuan ng resort, may safety barbs at anti-slip features ang kanilang mga gondola. Sadya lang daw na maliit ang bata para sinakyang nito na malaking cabin kaya posible siyang dumausdos.
Paalala naman ng nag-upload ng video, hindi raw iyon ang unang insidente na may nahulog mula sa gondola. Kaya dapat umanong maging alerto ang mga magulang upang maiwasan ang ganoong insidente.
Walang pahayag ang resort kaugnay sa reklamo na posibleng isampa laban sa kanila.-- FRJ, GMA Integrated News