Laking-gulat ng isang magkasintahang nakasakay sa motorsiklo nang lapitan sila at sundan ng isang aso kahit inabot ng tatlong kilometro ang layo sa San Nicolas, Ilocos Norte. Ang aso, napag-alaman na isang linggo na palang hinahanap ng kaniyang furparents.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, inihayag ng magkasintahang Denise Anne at David, na nasa bahagi sila ng Laoag City nang lumapit sa kanila ang aso.
Pero kahit umarangkada na ang kanilang motorsiklo pauwi sa San Nicolas, sumunod pa rin ang naturang aso kahit umabot umano ng tatlong kilometro ang kanilang biniyahe.
Kaya naman pagdating nila sa bahay ni David, kinupkop nila ang aso, at ipinost nila ang nangyari sa pag-asang mababasa iyon ng may-ari sa aso.
Hindi naman nabigo ang magkasintahan dahil pagkaraan ng dalawang araw, nakipag-ugnayan sa kanila ang may-ari sa aso na isang linggo na umano nilang hinahanap.
Nagpapasalamat ang furparents sa magkasintahan sa ginawang pagkupkop sa kanilang aso na ang pangalan ay "Douglas."
"Parang tao na rin po 'yan [si Douglas]. Masyado po siyang malambing, kumakatok sa kuwarto, siya ang tagagising namin," ayon kay Clarence Salting, may-ari sa aso.-- FRJ, GMA Integrated News