Isang team mula sa University of Santo Tomas Faculty of Engineering ang nakagawa ng robot na puwedeng makatulong sa healthcare workers sa ilang simpleng gawain sa ospital.

Sa segment na Game Changer sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, tinawag na "LISA" o Logistics Indoor Service Assistant ang robot. Maaari itong magdala ng mga dokumento, o medical supplies, mag-disinfect sa ospital, at magsagawa ng remote consultation sa pamamagitan ng nakalagay na tablet.

“Na-develop namin yung LISA Robot during the peak of pandemic, 2020. Kaya kami nakapag-develop nito so that the doctors can have communication with the patients,” ayon kay Anthony James Bautista, project leader and innovator.

“Ngayon nag-evolve yung project, depende na sa pangangailangan ng mga hospital," dagdag niya.

Makatutulong umano ang LISA robot kung may kakulangan ng healthcare workers sa isang ospital.

Sa suporta at pagpondo mula sa Department of Science and Technology-Philippine Council for Health and Research Development, nadagdagan ang kakayanan ni "LISA."

Mayroong sensor si LISA para sa pag-mapa sa buong healthcare facility. Kapag na-saved na sa memory, malaya na itong makakaikot sa ospital para gawin ang ipagagawa rito.

“Itong bagong version ng LISA robot, gumagamit kami ng simultaneous localization and mapping, wherein gumagamit kami ng lidar sensors para ma-map ng robot yung facility at ise-save niya sa memory niya ‘yun. With that concept, makakapag-navigate autonomously yung robot,” paliwanag ni Bautista.

Sa tulong ng mobile app, makikita rin ng users ang lokasyon ni LISA.

May proximity sensors din si LISA para makita ang mga bagay na kailangang iwasan sa kaniyang dadaanan.

Commercially available na si LISA at maaaring i-customized depende sa pangangailangan ng ospital.

“Ayun yung mga basic na pwedeng gawin ng robot that could help ease the burden or mga common tasks ng mga healthcare workers,” ani Bautista. —FRJ, GMA Integrated News