Patay ang isang security guard na nag-e-escort sa isang bank teller matapos siyang barilin ng mga holdaper na tumangay din sa mahigit P3 milyon pera na idedeposito sana sa Compostela, Davao de Oro.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage na pasakay na ang bank teller sa pick-up truck at nakasunod sa kaniya ang security guard nang biglang sumulpot ang isang salarin na may hawak na baril.

Tinutukan nito ang security guard at saka harapang binaril sa dibdib nang tangkain na kunin ang shotgun ng biktima.

Pumasok naman ang bank teller sa loob ng sasakyan pero isa pang suspek ang sumunod sa kaniya at kinuha ang dala niyang bag na may laman na pera.

Tumakas ang mga salarin na dala rin ang shotgun ng security guard.

Ayon sa pulisya, galing ang bank teller at security guard sa isang kliyente ng bangko para kumuha ng pera na idedeposito sana sa bangko.

Naniniwala ang pulisya na may ibang kasamahan ang mga salarin at hindi lang dalawa.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News