Guilty ang naging hatol ng korte sa Quezon City laban sa isang ginang at tatlong iba pa na sangkot sa pagbebenta ng walong-buwang-gulang na sanggol noong 2022 para mabayaran ang utang ng ina sa e-sabong.

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI), na pinatawan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 86, ng parusang habambuhay na pagkakakulong ang ginang at tatlong iba pa, para sa kasong qualified trafficking in persons.

Pinagmumulta rin ng korte ang bawat isa ng tig-P2 milyon.

“[T]he judgment rendered by the Regional Trial Court Branch 86 in Quezon City against all accused is a living testament of the resolute effort of the NBI to eradicate human trafficking in the country,” ayon sa NBI.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na dapat magsilbing babala sa iba ang naging desisyon ng korte na balak pasukin ang human trafficking, sexual exploitation, at iba pang krimen laban sa kababaihan at mga bata.

Ayon sa NBI, ibinenta ng ina ang kaniyang sanggol sa grupong tinatawag na “Bahay Ampunar” dahil sa mga utang nito sa online sabong.

BASAHIN: Ina na lulong umano sa online sabong, 'ipinaampon' ang anak kapalit ng P45k

Kinatagpo ng ginang ang nagpakilalang buyer, na lumitaw kinalaunan na middleman noong March 2022.

Pero nagbago ang isip ng ginang at nakiusap na maibalik ang kaniyang anak.

Inihayag din ng mister ng ginang na hindi niya alam ang ginawa ng kaniyang misis.

Sa isinagawang operasyon ng Human Trafficking Division (HTRAD), nasagip ng awtoridad ang sanggol at naaresto ang isang Pinay at isang  Nigerian national sa Sta. Cruz, Laguna.

Ayon sa NBI, nadakip ang ina ng sanggol at ang middleman noong May 2022. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News