Hot topic sa kanilang lugar ang bahay ng isang pamilya sa Calauan, Laguna, dahil sa misteryong pag-init ng sahig at pader nito, na nagdudulot ng pangamba sa mga nakatira at maging sa mga kapitbahay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na limang taon nang nakatira sa naturang bahay ang pamilya ng mag-asawang Merwin at Mae Reyes.
Pero sa halip na lumamig sa kanilang loob ngayong panahon ng kapaskuhan, napansin nila nitong nakaraang Disyembre 2, na mainit na nakakapaso ang tiles sa isang bahagi ng sahig ng kanilang bahay, pati na sa katabi nitong dingding.
Kapag binuhusan ng tubig ang bahagi ng bahay na umiinit, umuusok ito. Bukod doon, sinubukan din nilang magluto ng itlog sa naturang bahagi ng bahay, at naluto nga ang itlog pagkaraan ng mahigit kalahating oras.
Dahil hindi nila malaman kung bakit umiinit ang naturang bahagi ng bahay o kung ano ang nasa ilalim ng kanilang bahay, hindi maiwasan ng mag-asawa at maging ng kanilang mga kapitbahay na matakot.
Ang init din kasi, dama rin daw hanggang sa labas ng bahay.
"Baka bigla 'pag mayroong tulog biglang na lang sumabog," sabi ni Merwin.
Inakala ni Mae na baka may kinalaman ang electrical wiring sa pag-init ng sahig kaya nagpasya silang patayin ang switch ng kanilang kuryente ng magdamag.
Sa kabila ng kanilang pagpupuyat, hindi nawala ang init sa sahig at dingding, at kinalaunan ay tumindi pa raw ang init.
Tila wala na rin daw laman ang lupa sa ilalim na bahagi ng bahay kapag kinatok nila ang tiles.
Dahil sa pangamba, nagpasya na muna ang mag-asawa na makitira sa kanilang kamag-anak habang nagpapatulong sila sa city engineers office upang hanapan ng sagot ang misteryo.
Gayunman, lumitaw na walang problema sa electrical wiring sa bahay. Maaari umanong geothermal ang dahilan ng pag-init ngunit kailangan hukayin ang naturang bahagi ng bahay.
Gamit ang thermal camera, sinuri ng thermographer na si Engr. Aaron Baluyan, ang bahagi ng bahay at lumitaw na umaabot sa 40-50 degrees ang init nito.
"Masasabi nga natin na merong thermal activity below the ground. Possible na may well sa pinakailalim na nag-steam," paliwanag niya.
Tama kaya ang hinala nila na geothermal ang posibleng dahilan ng pag-init sa naturang bahay? Ano kaya ang posibleng peligro na maaaring ibunga nito sa pamilya at sa kanilang mga kalugar? Alamin ang paliwanag ng mga eksperto sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News